Friday, November 28, 2014

Red Cross Boracay maglalagay ng mga placard-babala at paalala sa frontbeach


Maglalagay ng mga plakard babala-pangkaligtasan ang Philippine Red Cross Boracay-Malay chapter sa beach front mula station 1 hanggang 3.

Ang mga nasabing plakard ay galing sa Department of Toursim na pangangasiwaan ng Red Cross team ang paglalagay ng mga ito.

Ang nasabing proyekto ay pinasinayaan sa dalawang araw na aktibidad ng Red Cross Boracay na “Festival of the wind” sa ikatlong taon nito sa station 2, Boracay Island, Malay, Aklan.

Ipinahayag din ni G. Marlo Shoenenberger, chapter manager sa nasabing lugar na nagbigay rin ang Mandala Spa ng isang high chair para sa mga life guard.


Ang nasabing aktibidad ay naglalayong  mamakalap ng pondo sa kasulukuyang gawain ng nasabing organisasyon.

Magnanakaw huli sa CCTV footage

Huli sa kuha ng CCTV footage ang isang magnanakaw kahapon sa isang shop sa D’Talipapa, Sitio Manggayad, Boracay, Island.

Ayon sa biktima na nakilala kay Maricris Detablan y Demalata, 34 anyos, habang nagsusukli ito sa kanyang kustomer, napag-alaman nitong nawala ang kanyang wallet na yari sa abaka na naglalaman ng P10, 300.00.

Nang rebyuhin nila ang kuha ng CCTV sa shop, isang hindi nakilalang lalake na nakusuot ng lavender t-shirts, stripes short at puting T-shirts ang pumasok sa shop at kumuha nito at isinuksok sa likuran ng kanyang beywang.


Ang nasabing kaso ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC.

Most wanted person sa Malay arestado sa Romblon

Arestado ang isang lalake at isa sa walong most wanted person sa bayan ng Malay na may kasong homicide kahapon ng umaga.

Kinilala ito kay Zaldy Tubi y Salmorin, 32 anyos at residente ng Brgy. Recto, Ferrol, Romblon.

Ang arestasdo ay nahuli sa kasalukuyan nitong adres sa bias ng warrant of arrest sa kasong homicide na nilabas at nilagdaan ni Ho. Sheila Martelino Cortes, presiding judge of RTC Region, Branch 3, Kalibo, Aklan na may fixed bail bond na Php 40, 000.00 noong Pebrero 2000.

Ang nasabing akusado ay nasa kustodiya na ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC.


Ang pagkahuli sa nasabing suspek ay sa malakas na pakikipagtulungan ng mga tauhan ng BTAC at kapulisan ng Romblon.

Wednesday, November 26, 2014

American national biktima ng salisi, suspek nakatakas

Hinablot sa isang babaeng American national ang kanyang wallet ng hindi pa nahuhuling suspek kagabi sa Station 3, Brgy. Manocmanoc, Boracay Island, Malay, Aklan.

Ang biktima nakilala kay Dawn Smith, babae, 50 anyos isang American national at nagbabakasyun lamang sa Boracay.

Ayon sa kanyang ulat sa BTAC o Boracay Tourist Assistance Center, habang ang biktima at ang kanyang asawa ay papauwi mula sa beach sa tinutuluyang hotel, nagulat na lamang ito nang sapilitang kinuha ang wallet ng isang lalake mula sa kanilang likuran.

Hindi na nakuha ng biktima ang kanyang wallet matapos siyang sikuhin sa ulo ng suspek at agaran itong nakatakbo.

Inilarawan naman ng biktima ang suspek na nakasuot ng puiting damit, medium built, 5’6” ang taas.
Ang wallet ay naglalaman ng Samsung Galaxy S4, 120 US dollar nap era, P800.00, 3 credit cards, driver’s license at iba pang mahahalagang dukumento.

Sinubukan pa ng mag-asawang habulin ang suspek hanggang sa main road subalit bigo rin ang mga itong maabutan siya. Minabuti na lamang na ipinablotter ng mag-asawa ang nangyari.


Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga tauhan ng Boracay police station ang nasabing kaso.

Korean National binaril ng dalawang Pilipino, kritikal

Kasalukuyang nagpapagaling ngayon ang isang Korean National matapos magtamo ng pagbaril sa kanyang kilikili kaninang madaling araw sa Sitio Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC banda 3:15 isang lalake ang nagbigay alam sa mga kapulisan na may nangyaring pagpaputok ng baril sa nabanggit na lugar.

Sa pagreponde ng mga kapulisan ay naipadala na sa lokal na ospital ng Boracay ang biktima na  kinilala kay Jinwoo Lee, lalake, 39 anyos at isang Korean national at manager ng isang spa sa Isla ng Boracay.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, pauwi ang biktima galling sa isang kilalang Korean restaurant sa Isla sa kanyang tinutuluyang apartment sa naturang lugar nang mangyari ang pagbaril. Nang malapit na ito sa kanayng apartment sa bandang madilim na bahagi ay bigla siyang nilapitan ng dalawang hindi pa nakikilalang lalakeng mga suspek at nang walang ano mang matukoy na dahilan ay bigla na lamang siyang binaril gamit ang hindi pa malamang kalibre.

Sa ngayon ay nasa Kalibo sa isang kilalang opsital upang mabigyang ng lunas.


Ang kasong ito ay nasa ilalim pa ng patuloy na imbestigasyon.

Lalake hiniwa ang leeg ng katrabaho; suspek kulong

Kritikal ang kondisyon ngayon ng isang laborer matapos hiwain ang kanyang leeg ng kanyang katrabaho sa construction sa Isla ng Boracay kagabi.

Lumalabas sa imbestigasyon ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center, habang ang biktima at ang suspek ay nasa inuman sa So. Pinaungon, Brgy. Balabag, Boracay Island, Malay, Aklan, nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo tungkol sa problema sa pamilya.

Kinilala ang suspek kay Bernie Tumbagahan, 32 anyos at isang laborer, samantalang ang biktima ay kinilala naman kay Joseph Tanoan, 22 anyos. Napag-alaman na ang dalawa ay magkapitbahay lamang at pawang mga residente ng Brgy. Afga, Tangalan, Aklan.

Habang nasa gayoon pagtatalo ang dalawa sinubukan namang awatin ito ng kanilang mga kasama.
Mayamaya, umakyat ang biktima sa ikalawang palapag upang matulog ngunit kalaunan ay bumaba at doon natulog malapit sa pinag-iinuman ng suspek at ng iba pa.

Sa hindi inaasahan madaling tinungo ng suspek ang natatutulog na kawawang biktima at doon hiniwa ang kanyang leeg gamit ang isang patalim.

Agad na isinugod ng mga kasama ang biktima sa lokal na ospital ng Boracay subalit ipinadala rin sa isang kilalang ospital sa Kalibo para sa karampatang medikasyon.


Samantala kulong naman sa Boracay police station ang biktima matapos magsagawa ng manhunt operation ang mga kapulisan.

Tuesday, November 25, 2014

Dalawang bakasyunista ninakawan sa front beach, suspek arestasdo

Arestado ang suspek matapos mahuli ng nakaistasyong pulis matapos nitong nakawin ang bag ng dalawang naliligong bakasyunista na iniwan sa front beach sa Station 1, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan kahapon ng hapon.

Ang mga biktima nakilala kina Virgilio Baltazar Jr, 22 anyos, at residente ng Mandaluyong , Talibayon at Rodaline Dote, 25 anyos at residente ng Pasig City at mga pawang  nagbabakasyon lamang sa Isla.

Ayon  sa ulat ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center police station, nakita ng mga biktima habang naliligo sa dagat ang pagkuha ng suspek sa kanilang bag na iniwan nila sa dalampasigan.

Agad na nagsisigaw ang mga biktima kung kaya’t ang mga nakatambay roon ay nagbigay alam sa nakaistasyon pulis malapit sa pinangyarihan. Agad namang nakorner ng dalawang rumespondeng pulis ang suspek na kinilala kay Mark Barrios, 26 anyos at residente ng Lezo, Aklan.

Narekober sa suspek ang bag na naglalaman ng powerbank, Samsung GT-B5330, Samsung S4, Samsung GT E-1200T, iphone, monopod, relo, at iba pa.


Ngayon ay magpapalipas muna ng araw ang suspek sa kulungan ng BTAC para sa kaukulang disposisyon.

Tatlong construction worker, ninakawan sa loob ng barracks

Labis ang pagtataka ng tatlong construction worker sa isang underconstruction site ng isang sikat na resort sa Isla ng Boracay matapos looban ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanilang barracks sa Brgy. Balabag, Malay, Aklan noong  isang gabi.

Ang mga biktima kinilala kina Jay-ar Varona, 34 anyos, tubong San Jose, Occidental Mindoro; Ernie Clasin, 27 anyos, tubong Janiuay, Iloilo; at Joven Iguiron, 37 anyos, tubong Buruanga, Aklan. Ang mga nabanggit na biktima ay nakatira sa iisang barrack na nauna nang nabanggit.

Paliwanag ng biktima na pagkagising nila banda 2:00 ng madaling arawa wala na sa kanilang tabi ang ila sa kanilang mga gamit.

Nakuha sa kanila ang 2 cellphone, isang DVD portable player.

Minabuti naman ng kanilang project engineer na ipablotter ang nasabing panloloob sa kanila.


Ang kasong ito ay sa ilalim pa ng imbestigasyon ng  mga kapulisan.

Friday, November 21, 2014

Turistang Korean national ninakawan sa kanyang kuwarto sa Boracay

Laking panghihinayang ng isang Korean national na nagbabakasyon lamang sa Isla ng Boracay ng manakawan siya sa kanya mismong kuwartong tinutuluyan sa isang resort sa Sitio Bolabog, Brgy. Balabag.

Ang biktima ay kinilala kay Hyun Jae Cho, lalake at 37 anyos.

Ayon sa kanya, nagising na lamang ito na wala na ang kanyang laptop, cellphone, Lotte Card, Bunos Card, 100 Malaysian ringgit, 30, 000 Korean Won, humigit-kumulang 30, 000 Thailand money at Php 1, 000 pera.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga kapulisan na binuksan ng biktima ang bintana ng kanyang kuwarto bago matulog na maaring doon dumaan ang suspek.

Ayon naman sa fron desk personnel on duty, lingid umano sa kanya kung may pumasok sa kuwarto ng biktima habang natutulog ito.

Napag-alaman na walang CCTV at guwardiya ang naturang resort.


Ang kasong ito ay sa patuloy na imbestigasyon pa ng mga kapulisan.

Russian national ninakawan habang nagbabayad sa isang boutique

Ninakawan ang isang Russian national na babae habang ito ay nagbabayad ng pinamiling swimsuits sa isang boutique shop sa Station 2, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan.

Ayon sa biktimang kinilala kay Anna Aleksandrova, babae, 17 anyos, iniwan umano niya ang kanayng bag sa upuan at inilagay niya ang puoch ng kanyang ate upang magbayad ng pinamili sa naturang shop.

Laking gulat nito nang kanyang balikan ay wala na ang puoch ng kanyang ate na si Svetlana Aleksandrova, 29 anyos.

Napag-alaman sa CCTV footage ng nasabing shop na kinuha ito ng dalawang suspek.

Ang nasabing pouch ay naglalaman ng perang 270 dolyar, Php 5, 000 at dalawa pang visa cards.


Ang nasabing kaso ay sa ilaim pa ng imbestigasyon ng mga kapulisan.

Thursday, November 20, 2014

Alarm and scandal nangyari sa dalawang bar kaninang umaga

BORACAY, MALAY, AKLAN—Naitala sa police blotter ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center ang dalawang alarm and scandal sa magkahiwalay na bar sa Boracay Island kaninang madaling araw.

Ang isa ay nangyari sa isang kilalang bar sa Station 1, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan samantalang ang isa ay sa isang resto bar sa So. Angol, Baranggay, Malay, Aklan.

Sa naunang nabanggit na bar, dalawang babae na napag-alamang nasa ilalim ng nakalalasing na inumin ang nagkaroon ng alitan sa loob ng C.R. na nagdulot ng pagkabahala sa mga customer doon. 

Sinubukan pang awatin ng guwardiya ang dalawa subalit hindi ang mga ito nagpapigil at nagkaroon pa ng pagkasira sa ilang gamit sa binanggit na bar.

Dahil dito, minabuti ng guwardiya na ipinadala sa police station ng BTAC ang dalawa.

Sa kabilang dako, apat na babae at isang babae naman ang nagkaroon din ng alitan sa pangalawang nabanggit na lugar. Napag-alamang ang mga ito ay nasa ilalim rin ng nakalalasing na inumin.

Ang nasabing alitan ay nagdulot din ng pagkabahala sa mga naroon.


Ang mga suspek sa parehong bar ay nasa kustodiya na ng BTAC police station para sa kaukulang disposisyon.

Tuesday, November 18, 2014

Cockfight breeder arestado dahil sa pagtutulak ng illegal na druga

Arestado ang isang sabungero dahil sa pagtutulak ng mga ipinagbabawal na druga sa isinagawang drug rade operation ng mga kapulisan sa Brgy. Estancia, Kalibo, Aklan, kahapon ng hapon.

Nakuha sa suspek ilang mga hinihinalaang illegal na druga at mga kagamitan na ginagamit sa mga ito.

Kinilala ang suspek na si Eric Flaviano Reyes, 50 anyos at isang sabungero.

Nangyari ang buybust operation na isinagawa ng pinagsanib puwersa ng Aklan Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG) sa pangunguna ni Superintendent Jomil John Trio at ng Kalibo PNP sa pamumuno ni Superintendent Pedro Enriquez banda alas-4 ng hapon sa sabungan sa Kalibo capitol site.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Acts of 2002 ang suspek.

Brgy. Kagawad natagpuang patay sa Batan, Aklan

Natagpuang patay at may bakas ng pananaksak sa leeg ang isang Brgy. Kagawad kahapon sa Brgy. Songcolan, Batan, Aklan karatig barangay kung saan ito naglilingkod.

Kinilala ang biktima na si Albert Laurente, 41 anyos at kagawad ng Brgy. Ambulong.
Hindi pa malaman kung sino ang pumatay sa biktima.

Ayon sa imbestigador ng Batan PNP, nagtext pa ito sa kanyang kapatid na may bantang pagpatay sa kanya.

Kahapon nga banda 11 ng umaga, natagpuan na lamang sa kakahuyan ang kagawad na malamig na bangkay na at sinasabing ang pananaksak na natamo nito sa kanang bahagi ng kanyang leeg ang dahilan ng kanyang pagkamatay.RB!B

Monday, November 17, 2014

Fetus natagpuan sa ilog sa Kalibo, Aklan

Nailibing na banda 5 ng hapon kahapon ang isang fetus  na natagpuan sa Brgy. Bakhaw Sur, Kalibo, Aklan.

Natagpuan ang fetus na tinatayang nasa 4 hanggang 5 buwan gulang na nakasilid sa isang plastik na lumulutang sa ilog sa nasabing lugar ng mangingisda na si Conrado Dela Cruz.

Drug pusher at drug user huli sa Kalibo, Aklan

BORACAY, AKLAN—Nakakulong na sa ngayon ang isang drug pusher at isang drug user sa istasyon ng pulis sa Kalibo, lalawigan ng Aklan matapos mahuli kahapon ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Manolo Senon, tulak-droga, nasa legal na edad, at residente ng Brgy. Tamalagon, Tangalan, Aklan at ang kasama nitong babae na gumagamit ng ipinagbabawal na droga na si Roselyn Duldol, isang masahista.

Nahuli ang dalawa sa isinagawang buy-bust operation sa pinagsamang lakas ng Anti-Illegal Drug Task Force at ng Kalibo PNP sa mismong boarding ng babae sa Goding Ramos St., sa unang nabanggit na lugar.

Nakuha kay Manolo ang 5 sachet ng hinihinalaang shabu, 1 sachet ng hinihinalaang marijuana, at kay Roselyn naman ang 1 sachet ng hinihinalaang shabu.

Nabatid na dalawang buwan nang binabantayan si Manolo. Kahapon lang din sila nagkakilala ng babae para makipagtransaksiyon at dahil sa kalasingan doon na ito natulog sa boarding ng babae.


Inamin naman ng babae na isa nga itong user.

82-anyos na lola sa Malinao, Aklan tumalon sa bintana nang nasusunog na bahay

BORACAY, AKLAN—Tumalon ang 82-anyos na lola sa bintana ng kanilang bahay matapos mapag-alaman na nasusunog na pala ang kanyang bahay kagabi sa Brgy. Kugon, Malinao, Aklan.

Kinilala ang lola na si Consolacion Selino na ngayon ay nagpapagaling sa provincial hospital matapos magtamo ng first degree burn at ilang sugat matapos itong tumalon sa bintana.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga kapulisan, natutulog ang lola sa kanilang bahay banda 10 ng gabi ng may napansin itong may kumakatok sa labas sa pintuan ng bahay. Dala ng kaantukan, hindi na nito pinansin ang pagkatok at nagpatuloy sa pagtulog.
Hindi niya inaasahan na susunugin pala ang kanyang bahay.


Wala pang kinilalang suspek ang kapulisan ng nasabing bayan subalit nagpapatuloy pa imbestigasyon sa pangyayaring ito.

Thursday, November 13, 2014

Chinese national at kasama nito ninakawan sa Boracay


Biktima na naman ng pagnanakaw ang isang Chinese national at ang kasama nitong babae sa Isla ng Boracay kahapon ng hapon sa front beach sa Station 3.

Kinilalala ang mga biktima na sina Tan Shufu, 22 anyos, isang Chinese national at Mary Cherry san Juan, 33 anyos.

Ayon sa kanila, naaktuhan mismo nila ang pagkuha ng suspek sa kanilang mga iniwang gamit sa front beach. Nabatid na ang lalakeng suspek ay nakasuot ng dilaw na damit at short pants.

Ilan sa mga nakuha sa kanila, ang wallet, cellphone, bag.

Agad na nagbigay-alam ang mga biktima sa BTAC o Boracay Tourist Assistance Center para sa kaukulang tulong subalit hindi na naabutan pa ng mga rumespondeng kapulisan ang suspek.


Umaasa naman ang mga biktima sa ikadarakip ng suspek na sa ngayon ay pinaghahanap ng mga kapulisan.

Tuesday, November 11, 2014

Tapat na tricycle driver nagsauli ng P3.5M sa pasahero

BORACAY, AKLAN--Tuwang-tuwang niyakap at umiiyak pang dalawang koreano ang tricycle driver nang personal nitong ibalik ang naiwan nilang perang nagkakahalaga ng P3.5M na nakalagay sa loob ng bag sa tricycle nito.

Ang driver ay kinilala kay Zaldy Lagunsad, 46 anyos at residente ng Brgy. Manocmanoc, Boracay, Malay, Aklan.

Sa panayam sa kanya ng Radio Birada! Boracay kaninang umaga, ipinagmalaki pa nitong sinabi na “dahil alam kung hindi iyon sa akin, kailangan ko iyong ibalik”. Hindi narin niya naisip pang ipablotter kung saan mahalaga sa kanya ang naibalik na nito ang pera.

Ayon sa kanya, iniabot umano ng panibago niyang pasahero na isa ring Koreano ang nasabing bag na naiwan sa harapang upuan ng kanyang sasakyan. Nagulat ito na ito ay naglalaman ng nabanggit na halaga kasama ang dalawang cellphone at iba pang mahahalagang dokumento.

Agad naman siyang nagtungo sa Boracay Tourist Assistance Center o BTAC police station kung saan naghihintay na ang dalawang koreanong nakaiwan ng nasabing halaga.

Hindi na niya nakuha ang mga pangalan ng mga turista dahil sa pagmamadali rin ng mga ito.

Nakatakda namang parangalan ng Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) sa darating na Disyembre at bigyan ng insintibo dahil sa katapatan niya bilang miyembro.


Sa iyo Mamang driver, saludo ang Radio Birada! Boracay.

Isang establisyimento sa Boracay pinagtangkaang sunugin

Huli sa akto ang lalake sa tangka nitong pagsunog sa isang establisyemnto sa So. Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan kahapon ng gabi.


Kinilala ang suspek na si Reynan Cahilig, 20 anyos, at residente ng Brgy. Manocmanoc.

Ayon sa saksi na si Arvin Bernabe, 27 anyos, at residente rin ng huling nabanggit na lugar, nang siya ay dumaan sa naturang establisiyemnto, naaktuhan niya ang suspek na nagpaapoy gamit ang isang disposable na lighter sa tangkang sunugin ang establisyimento.

Agad naman inapula niya at ng mga tagaroon ang apoy at ipinagbigay alam ang nasabing pangyayari sa may-ari.


Ipinaalam naman ng may-ari na hindi na ito magpapataw ng kabayaran sa suspek at aayusin na lamang ang nabanggit na kaso sa barangay justice system.

70 anyos na Lolo sinaksak

Sinuntok at sinaksak sa likod ang isang 70 anyos na lolo na nagbabakasyon lamang sa Isla ng Boracay ng hindi pa nakikilalang suspek.

Kinilala ang biktimang lolo na si Vergilio Bartolome at tubong Caloocan City at pansamantalang nanunuluyan sa isang resort, sa Balabag, Boracay, Malay, Aklan.

Ayon sa inisyal na ulat ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center police station, naglalakad umano ang biktima ng patungo sa groto sa front beach kung saan nandoon ang kanyang mag-ina nang  tinawag siya ng suspek na “Hey Joe”. Hindi naman ito pinansin ng biktima sa halip ay nagpatuloy ito sa paglakad.

Bigla siyang sinuntok ng suspek sa hindi malamang dahilan subalit nakailag ito at nang tumakbo upang makatakas ay sinaksak siya ng suspek sa kanyang likuran ng isang matigas na bagay na nagdulot ng pagkasugat.

Isinugod naman sa pinakamalapit na ospital ang nasabing lolo.


Hindi naman naabutan ng mga rumespondeng pulis ang suspek sa nasabing pinangyarihan ng insidente.

Monday, November 10, 2014

Lalake nanutok ng baril sa tauhan ng Bureau of Immigration

Hindi na natagpuan ng mga rumesponding pulis ang lalaking nagngangalan kay Jim Gelito, 29 anyos, residente ng So. Tulubhan, Brgy. Manocmanoc, Boracay, Malay, Aklan matapos itong nanutok ng baril at magbitiw ng mga salita ng pagbabanta sa isang tauhan ng Bureau of Immigration sa nabanggit na lugar.

Kinilala ang biktima kay Haide Cabagtong, 32 anyos, at Confidential Agent ng Bureau of Immigration at kasalukuyang nakatira sa naturang lugar.

Ayon sa salaysay ng biktima, habang ito ay nasa terrace ng inuupahang bahay nito kasama ang isang laundry staff, ay bigla siyang nilapitan ng nabanggit na suspek. Binati umano siya ng suspek ng “mam good morning,” pero hindi ito sumagot. Muli pang nagsalita ang suspek sa hindi kanais-nais na pamamaraan: “hoy mam good morning,” na sinagot naman ng biktima nang ganito, “an gaga-aga nambubulahaw ka”.

Pagkatapos ay naligo ang biktima. Matapos mapagsabihan ng isa pang kasama na nag-iiskandalo ang suspek sa harap ng kanilang gate na diuman’y nakabitbit ng hinihinalaang di pa malamang kalibre ng baril, lumabas ito upang makita ang suspek at doon na ito pinagbantaan habang nakatutok umano ang nasabing baril sa kanya bagay na ikinatakot nito.

“…kung gusto mo bilhin ko buhay mo, magkano ka ba? ...pag nakita kita sa labas, haharangin kita.”

Pagkatapos ng pangyayari ay umalis ang suspek at hindi malaman kung nasaan na ito nagpunta.
Napag-alaman na ang suspek ay nasa ilalim ng nakalalasing na inumin.

Nasa patuloy na imbestigasyon ng Boracay police ang nasabing kaso.

Thursday, November 6, 2014

Enhenyero, kulong sa kasong estafa

Wala nang ligtas pa ang enhenyero na si Brian Zuniaga, 31 anyos, project engineer ng isang kilalang kompaniya, at residente ng Dumangas, Iloilo City, matapos mahuli sa kasong estafa kagabi.

Ang nasabing inaakusa ay nahuli ng mga awtoridad sa kasulukuyan nitong adres sa So. Manggayad, Brgy. Manocmanoc, Boracay, Malay, Aklan, sa bias ng warrant of arrest. Ang nasabing kaso ay inilabas at nilagdaan ni Hon. Victorino Maniba Jr, presiding judge ng RTC, 6th Judicial Region, Branch 39, Iloilo city na may fixed bail bond na Php 40, 000.00, noong May 21, ng nakaraang taon.

Ang nasabing pagdakit ay bunga ng maigting na pagtutulungan ng mga awtoridad mula sa BTAC o Boracay Tourist Assistance Center; Aklan PIBO; Iloilo Provincial Police Office; at Iloilo City Police Office.


Ang nasabing lalake ay nasa kustodiya na ng Boracay police station para sa kaukulang disposisyon.

Katulong sa isang resort nanaksak

BORACAY, AKLAN--Bagsak sa kulungan ang suspek na si Danillo Badilla, 26 anyos, katulong sa isang resort dito sa Boracay, matapos nitong saksakin ang kanyang half-brother na si Prudencio Badilla, 58 anyos, sa So. Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan noong Nobyembre 3, taong kasalukuyan.

Ayon sa biktima, nagkaroon umano ng sagutan ang kanyang ate sa suspek sa loob ng kanilang bahay, bagay na inawat niya ang mga ito. Dahil sa pangingialam ng biktima, hinamon ito ng suntukan ng suspek. Una namang sinuntok ng biktima ang suspek sa kanyang mukha. Sa galit ng suspek, pagkatapos ay lumabas ito ng bahay nang hindi inaasahan ay sinundan siya ng suspek at agad siyang sinaksak sa kanyang likurang bahagi ng katawan dahilan upang magkaroon ito ng sugat.

Agad namang isinugod sa lokal na bahay-pagamutan ang biktima. Pagkarekober nito ay personal itong lumapit sa mga kapulisan upang magpablotter.

Agad namang hinuli ang nabanggit na suspek at isinakostodiya ng Boracay police station.


Wednesday, November 5, 2014

Phil. Red Cross Chairman Gordon bibisita sa Boracay nitong Nobyembre

BORACAY, AKLAN--Posibleng bumisita si Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon ngayong buwan ng Nobyembre sa Isla ng Boracay upang dumalo sa isasagawang “festival of the winds” ng Boracay Chapter ng nabanggit na asosasyon base narin sa naging pahayag ni G. Marlo D. Schoenenberger, ang chapter manager sa nasabing lugar.

Matatandaan na una nang nagpahayag ang Red Cross na magsasagawa ng naturang aktibidad sa Nobyembre 15-16, subalit sa huling pahayag ng chapter manager sa Boracay sa Radio Birada! kahapon, ipagpapaliban na lamang ito. Sa halip, isasagawa ang aktibidad sa huling dalawang araw ng Nobyembre upang makadalo mismo ang pangulo ng Red Cross.

Tampok sa dalawang araw na aktibidad ang pagkakaroon ng Junior at Senior Life Guarding, Lantern Parade, Ocean Swim & Adventure Run, at Paraw Regatta na may nakalaan premyo.

Magsasagawa rin sila ng under water clean-up na pangungunahan ng mga taga-BASS o Boracay Association of Scuba School.


Ang aktibidad na ito ay sa pakikipagtulungan din ng lokal na pamahalaan ng Malay, Department of Tourism (DOT) at iba pang pribadong sector.

Bayan ng Malay, makakatanggap ng P246, 000.00 ngayong araw mula sa DTI

MALAY, AKLAN--Makakatanggap ang bayan ng Malay ng P246, 000.00 ngayong araw 10a.m. mula sa Department of Trade and Industry (DTI) bilang bahagi ng kanilang programang pangkabuhayan para sa training on packaging and labelling.

Ibibigay ang nasabing halaga sa tanggapan ni Mayor John Yap na sasaksihan ng mga kasapi ng Local Poverty Reduction Action Team (LPRAT) CSO’s.

Magsasagawa rin ang TESDA ng programang pangkabuhayan parin sa naturang bayan na naglaan na ng mga kagamitan sa pagsasanay at perang nagkakahalagang P492, 000.00. Gagamitin ang mga ito para sa candle and pastry making training-seminar na magsisimula sa ikaapat na lingo ng Nobyembre, taong kasalukuyan.

Ang mga nailabas na pondo ay bahagi ng 2014 proyekto ng Grassroots Participatory Budget (GPB) na kinakatawan ng LPRAT.

Kawalan ng trabaho sa mamamayang Malaynon pangunahing talakayan sa CSO assembly

MALAY, AKLAN--Naging mainit na usapin ang kawalan ng trabaho para sa mga mamamayang Malaynon sa ginanap na isang araw na Municipal Civil Society Organization (CSO) assembly kahapon sa isang resort sa Poblacion, Malay, Aklan.

Dinaluhan ang nabanggit na pagpupulong ng mga CSOs, POs, at community/grassroots organizations. Pingunahan ni Gno. Mark T. Delos Reyes, Local Government Operation Officer V ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ni Gng. Luz Templonuevo, Community Mobilizer, ang talakayan.

Nagsimula ang pagpupulong sa isang maikling orientation sa malaking bahagi na ginagampanan ng mga non-government sectors (NGO’s) sa pagsugpo ng kahirapan sa kanilang lokal na mga lugar. Nagkaroon din ng eleksiyon ng mga opisyales na kakatawan mula sa CSOs sa Local Development Council or the Local Poverty Reduction Action Team (LPRAT) para maging kaagapay ng Local Government Unit (LGU) sa paglulunsad o pagsasagawa ng mga pamamaraan sa pagsugpo ng kahirapan sa pamayanan.

Ang ginawang talakayan sa mga pangunahing isyu ng kahirapan at mga problemang kinakaharap ng bayan ay bibigyan ng kabatiran sa mga susunod na mga pagpulong ng LPRAT upang maipaabot sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaang saklaw ng Grassroots Participatory Budgeting Process (GPBP), o mas kilala sa dati nitong tawag na Bottom-up Budgeting.

Ang mga mapagkasunduang proyekto at programa ng nabanggit na pangkat ay para sa darating na 2016.