Tuesday, April 28, 2015

Koreana nalunod-patay sa swimming pool

Humahagulgol sa iyak ang asawang lalaki matapos nitong mapanood ang CCTV footage na kuha ng isang resort kung saan nalunod ang kanyang asawa kaninang madaling araw.
Sa blotter report ng Boracay PNP station, 3:00 ng umaga nakita ng isang construction worker sa isang kilalang resort sa Station 2, Brgy Balabag Isla ng Boracay, ang biktima na palutang-lutang na nakataob sa swimming pool. Agad itong nagtawag ng mga kasama, kabilang na ang ilang mga guwardiya ng nasabing resort upang usisain ang nangyari.

Agad nilang inihaon ang biktima at nilapatan ng CPR at madaling isinugod sa isang pribadong klinika sa Isla, gayunman ay idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Positibong kinilala ang biktima na si Jeonghee Bae, 33 anyos, isang Koreana, at pansamantalang nanunuluyan sa naturang resort kasama ang kanyang asawa bilang mga bakasyunista.

Sa mga nakuhang impormasyon ng Radio Birada! napag-alaman na huling namataan ang biktima na umiinom sa front beach ng hating-gabi. May gasgas rin ito sa kanyang noo na posibleng dahilan ng kanyang pagkawala ng malay upang malunod sa swimming pool.

Nabatid pagkatapos pag-malalim na ang gabi ay mahigpit ng ipinagbabawal ang paliligo dahil narin sa wala ng nagbabantay sa mga swimming pool.

Wednesday, April 22, 2015

Mangingisda sa Aklan nahulog sa bangka, hindi parin matagpuan

Mag-iisang linggo na hindi parin natatagpuan ng mga awtoridad ang lalaking nahulog sa bangka sa baybayin sa pagitan ng bayan ng Buruanga Aklan at Caluya Island noon pang Sabado alas-3 ng hapon.

Ang mangingisdang biktima ay nakilalang si Alfredo Kadahing y Fernando, 43 at residente ng naturang bayan.

Ayon sa ulat  ng Philippine Coastguard Caticlan, nagkasundo umano ang magkakaibigan na pumalaot upang mangisda. Kasama ang apat pa, ang biktima ay nakipagsapalaran sa panahong iyon kung saan ayon sa PCG ay malakas ang alon.

Napag-alaman nalamang ng apat nitong kasamahan na nawawala na ang naturang biktima sa bangka na ayon sa kanila ay marahil nahulog sa nasabing baybayin. Hindi umano nila napansin ang nangyari at nang tangka nilang balikan ang kanilang kasama ay nasiraan ang pumpboat na kanilang sinasakyan, partikular ang makina nito.

Ayon sa pamilya nito, kalbo ang nasabing lalaki at may tatoo sa binti na "lover boy Aklan" na posibleng pagkakakilalan sa biktima.

Sinubukang abutin ng Radyo Birada ang himpilan ng PCG Caluya at Caluya PNP para sa pag-alam ng pagkadagsa ng biktima roon subalit negatibo ang kanilang naging operasyon.

Nabatid na nagsagawa pa ng search and rescue ang PCG Caticlan sa baybayin ng gabi matapos mangyari ang pagkahulog di umano ng mangingisda subalit naging negatibo ang kanilang paghahanap.

Napag-alaman na ang lalaki ay nasa ilalim ng nakalalasing na inumin.

Umaasa naman ang pamilya nito na matagpuan ang kanilang kaanak.

Monday, April 20, 2015

Opinyon: Paalala sa bayan para sa mga bisita

Saktong 19 araw nalang ay magsidatingan na ang mga bisita mula sa 21-isang kalahok na bansa para sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC summit meeting dito sa Isla ng Boracay.

Malaking pondo na ang ginastos ng pamahalaan para paghandaan ang mahigit 2, 000 bisita lang naman sa meeting na ito sa labas at dagdagan pa ng parehong bilang dito naman sa loob ng bansa. Ang malawakang paglalapad at pagsasaayos ng pangunahing kalsada sa Aklan ay isa sa mga paghahanda rito. Naglaan din ng malaking pondo ang Department of Tourism o DOT region 6 sa pagpapaganda at pagsasaayos sa gilid ng mga kalsada sa bawat barangay na madadaanan nito. Ang makukulay na bulaklak, luntiang paligid, at malinis na kapaligiran ay siguradong makakapagpamahanga sa mga bisitang ito mula sa iba-ibang bansa.

Nagsimula narin ang lokal na pamahalaan ng Malay kung saan nasasakop ang sikat na Isla na ito ng Boracay kahapon sa pag-aalis ng mga lumot sa tabing baybayin na hindi maiiwasang dumagsa lalu na ngayong tag-init. All-set narin ang seguridad sa lugar sa pangunguna ng mga kapulisan ng Boracay Tourist Assistance Center.

Marami pang ibang paghahanda ang nagawa na ng lokal na pamahalaan at sa kasalukuyan ay tinatapos na ang iba. Kabilang sa mga ito ang paglalawig ng Caticlan Airport na kalaunan ay magiging Boracay airport na; pagmamadaling matapos ang panibagong daungan sa Caticlan at paglalawak ng daungan sa Cagban.

Higit sa mga paghahandang ito, an gaming panawagan sa lahat ay an gating magandang pakikitungo sa mga bisita. Nawa ay maging magalang at mapagkalinga tayo sa kanila, ngumiti at magbigay respeto. Ang maaring makita nila sa probinsiya at sa Isla ng Boracay ay tahasang magpapakita kung sino tayo at kung ano ang mga pagpapahalagang pinanghahawakan natin.

Ang mga taong ito na tatagal ng halos tatlong lingo sa Isla ay hindi pipitsuging mga bisita, ito ay kabaliktaran ng nabanggit. ito ay mga taong maimpluwensiya pagdating sa larangan ng pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Kailangan natin lalu na sa panahong ito ng kakulangan sa trabaho.

Ang magandang makikita nila sa paligid at sa mga taong mabubuti ang manghihikayat sa kanila na mag-invest o mamumuhunan sa probinsiya at sa Isla para rin naman sa kapikinabangan nating lahat.
Alalahanin na minsan lang mangyayri ito sa atin rito sa Isla at sa probinsiya at maging sa ating bansa. Ang susunod na kaparehong meeting ay mangyayari pa pagkatapos ng 20 taon.

Siguradohing maiinganyo natin makabalik pa sila rito pagkatapos ng nasabing panahon!

Resort sa Boracay magsasampa ng kasong libelo vs Ted Failon

larawan nang nooy'y ginagawa palang na West Cove resort sa Boracay.
Nakatakdang magsampa ng kasong libelo sa Quezon City ngayong lingo ang may-ari ng Boracay West Cove resort na si Crisostomo B. Aquino laban sa batikanong brodkaster ng ABS-CBN News na si Ted Failon dahilan sa malaking pinsalang naidulot nito sa nasabing kompaniya.

Matatandaan na lumabas sa nasyonal telebisyon at radyo ang pambabatikos ng naturang media man ng ilang ulit dahil umano sa mga paglabag ng nasabing resort.

Ayon sa ulat, nilabag umano ng Boracay West Cove ang Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes (FlagT) dahil sa pagsira nito sa mga korales, gubat, at tubig kung saan nakatirik ang nasabing resort sa So. Din-iwid, Brgy. Yapak sa Isla ng Boracay. Ito ang dahilan kaya pinawalang bisa ng kasalukuyang DENR Undersecretary ang nasabing kasunduan.

Gayunpaman, patuloy na tumatanggap ng mga bisita ang resort dahil sa naniniwala ang pamunuan nito na ang DENR Memorandum Order No. 2011-02 ay hindi sumasaklaw sa FlagT ng resort; hindi rin umano sila binigyan ng patas na imbestigasyon, at pagtangging mabigyan ng due process; at idinidiing walang karapatan ang Undersecretary na ikansela ang kasunduan na nilagdaan ng DENR secretary. Ang mosyong ito para sa konsiderasyon ay nakabinbin parin sa Korte hanggang ngayon mula ng maipasa ito noong Oktubre ng nakaraang taon.

Naniniwala ang pamunuan ng resort na may tao sa likod ng sunod-sunod na pambabatikos ng naturang brodkaster na naghahangad na makuha ang lupang kinalalagyan ng West Cove na maaaring kinasasangkutan ng malaking halaga ng pera. Giit naman ng abogado nito na sapat ang kanilang ebidensiya na magpapatunay na si G. Aquino ang lehitimong may-ari ng lupa. 

Wednesday, April 8, 2015

2 foreign tourist biktima ng magkahiwalay na snatching sa Boracay kagabi

Umarangkada na naman ang pagsnatching sa Isla ng Boracay kagabi kung saan dalawang turista ang biktima nito sa magkahiwalay na lugar ang nairekord sa Boracay PNP station.

Ang unang pangyayari ay naganap sa harap ng kabubukas palang na restaurant sa Brgy. Balabag, Isla ng Boracay kung saan isang Singaporean na babae ang nabiktima.

Ayon sa salaysay ni Summer Seiw Wei Yeo, 32 anyos, banda alas-9 ng gabi habang ito ay naglalakad kasama ang kanyang nobyo sa lugar, bigla umanong hinablot ng isang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo ang kanyang bibit na pouch saka ito humarurot. Ang motorsiklo ay galing sa likurang nila na mabilis tumakbo patungong Brgy Manocmanoc na direksiyon.

Nakuha sa kanya ang Iphone6, 200 singaporean money, at P3, 000.00 na laman ng nasabing pouch.

Samantala, nangyari ang pangalawang parehong kaso banda alas-4:00 ng madaling araw kung saan isa namang Dannish National ang biktima.

Salaysay ng biktima na si Sabine Lidegaad y Malm, 23 anyos, habang ito ay naglalakad sa harap ng isang kilalang resort sa Brgy Balabag patungong Station kasama ang mga kaibigan nito ay bigla nalamang hinablot ng hindi pa nakikilalang lalaki ang kanyang pouch. May mga kasama pa umano itong dalawa pa na kung saan mabilis ring tumakbo pagkatapos ng nangyari.

Laman ng nasabing pouch ang Iphone4, pasaporte, mga credit card, kamera, at lisensiya sa pagmamaneho, at perang P6, 000.00.

Kasalukuyang tinutukoy ng mga kapulisan ang pagkakakilalan  ng mga suspek ng mga kapulisan.

Tuesday, April 7, 2015

Apartment nilooban; mahahalagang gamit at pera natangay

Isa na namang apartment ang nilooban sa Isla ng Boracay partkular sa So. Bolabog, Brgy. Balabag, Isla ng Boracay, kung saan tangay ng hindi pa nakikilalang suspek ang mahahlagang gamit, at pera ng biktima.

Ang biktima ay nakilalang si Marlon Gersbach, 33 anyos,  at presenteng naninirahan sa nasabing naturang apartment.

Salaysay ng biktima na napag-alaman na lamang nito pagkagising banda alas-5:45 ng umaga na nakabukas na ang pinto ng kanyang kuwarto.

Nagduda na ito sa kanyang unang nakita na nilooban siya, at nabatid ngang nakuha sa kanya ang isang laptop, mamahaling cellphone, 1500 Euro, P10, 000.00. Tinangay rin ng magnanakaw ang kanyang mahahalagang dokumento kabilang na rito ang 2 pasaporte sa Pilipinas at Alemanya.

Dagdag ng biktima na natulog ito  banda 12:45 ng madaling araw at iniwang nakacharge ang kanyang cellphone malapit sa kanyang ulunan subalit hindi niya namalayan na pinasok na pala ito ng magnanakaw.

Ang kasong ito ay kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ng Boracay PNP.

Arabian national biktima na na naman ng manlulukong komisyoner

Nanlumo ang isang Arabian National matapos maging bagong biktima ng manlulukong komisyoner sa Isla ng Boracay.
Nakilala ang isa sa mga biktima na si Khaled Alothaiemeen, lalaki, 25 anyos.

Ayon sa salaysay ng biktima, inalok umano ito ng isang komisyoner na kinilala lamang sa blotter entry ng Boracay PNP na "Greg" na maghelmet diving, bagay na tinanggap naman ng biktima na nagbigay ng P5, 100.00 para sa tatlong katao.

Pagkatapos ng nasabing aktibidad, humingi umano siya na mag-scuba diving, fishing, at cliff diving. Dinala naman umano siya at ang kanyang mga kasama sa Station 3, na ayon sa suspek ang bangka ay naghihintay doon.

Pagdating ng nila sa lugar, nagbigay ito ng P6, 000.00 sa suspek subalit umalis umano ang suspek upang bumili ng pagkain para sa kanila ngunit hindi na ito bumalik pa.

Ayon sa lalaking lumapit sa kanila, ipinaalam na ang suspek ay nag-iintertina ng panibagong guest.

Sinubukan pang nilang hanapin sa Station 2 subalit hindi na nila ito natagpuan pa.

Para makapag-enjoy ay ituloy parin nila ang gustong aktibidad matapos itong nagbayad sa panibagong komisyoner.

Monday, April 6, 2015

Matagal nang ipinasasarang Boracay resort, tuloy ang operasyon

ILOILO CITY – Isang sosyal na resort na paulit-ulit na lumalabag sa mga environmental law sa sikat sa buong mundo na Boracay Island sa Malay, Aklan, ang patuloy na tumatanggap ng mga turista.
Kinumpirma ni Jim Sampulna, director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 6, sa may akda na patuloy pa rin ang operasyon ng Boracay West Cove.

Ito ay matapos na kanselahin ni DENR Undersecretary Demetrio Ignacio Jr. noong Setyembre 2014 ang 25-taong Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes (FLAgT) ng Boracay West Cove dahil sa iba’t ibang environmental violation.

Matatandaang inisyu ni noon ay DENR Secretary Jose “Lito” Atienza Jr. ang 25-anyos na FLAgT laban sa Boracay West Cove noong Disyembre 2009.

Ang FLAgT ay nagbigay ng awtoridad sa Boracay West Cove para i-develop ang 998-metro kuwadradong lugar para sa turismo.

Gayunman, natuklasan kalaunan ng DENR na nilabag ng Boracay West Cove ang mga termino ng kasunduan sa FLAgT sa pagtatayo ng mga istruktura sa labas ng pinahihintulutang 998-square meter area.

Bukod pa rito, pinakialaman din ng Boracay West Cove ang 3,159 metro kuwadrado ng kakahuyan sa lugar.

Dahil dito, nagpalabas si DENR-6 Regional Director Julian Amador ng cease and desist order laban sa Boracay West Cove noong 2011. Nang taon din na iyon ay giniba ng pamahalaang bayan ng Malay ang bahagi ng resort dahil naman sa paglabag sa National Building Code.

Dahil dito, pinal nang kinansela ng DENR ang FLAgT noong nakaraang taon at inatasan ang pamunuan ng Boracay West Cove na bakantehin ang lugar.

Gayunman, naghain ang may-ari ng Boracay West Cove na si Crisostomo Aquino ng motion for reconsideration sa Court of Appeals (CA).

by Tara Yap / Apr 6th, 2015

Wednesday, April 1, 2015

Kalibo International Aiport bukas na

Inihayag ng Department of ­Transportation and Communications (DOTC) na binuksan na at maaari nang gamitin ang departure area ng Kalibo Airport, na sadya umanong itinaon sa panahon nang pagdagsa ng mga bakasyunista at mga turista sa Boracay.

Ayon kay sa DOTC, binuksan na kahapon ang departure area ng nasabing airport para na rin umano sa convenience ng mga pasahero.

Aminado ang DOTC na sadyang mabilisin ang pagsasaayos sa paliparan dahil na rin sa inaasahang maraming dadagsang mga turista at bakasyunista sa Boracay ngayong panahon ng summer at bakasyon.

Matatandaang una nang binuksan noong Marso 26 ang arrival section ng bagong 4,000 square meters wing ng Kalibo Airport.

Sinabi ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, na dinagdagan pa umano nila ng 10 bagong check-in counters ang paliparan para lalong makapagbiga­y ng convenience sa mga pasahero.

Ayon pa sa DOTC, may 4,000 square meter expansion ang pali­paran at nagkakahalaga ito ng P44.3 milyon at kaya nitong mag-accommodate ng karagdagang 800 na mga pasahero.

01 April 2015 / Written by  (Nonnie Ferriol)
Published in http://www.abante.com.ph/news/vismin2/25301/kalibo-international-aiport-bukas-na.html