Thursday, July 30, 2015

53 anyos na lalaki natagpuang patay at tadtad ng taga

KALIBO, AKLAN—Tadtad ng taga at patay na ng matagpuan ang isang 53 anyos na magsasaka sa So. Kabulihan, Brgy. Pudiot sa bayan ng Tangalan sa lalawigang ito kahapon ng umaga.

Kinilala ng Tangalan PNP station sa blotter report ang patay na lalaki na si Ronito Diego y Francisco at residente ng nabanggit na lugar.

Huling nakita ang biktima na buhay na nakikipag-inuman kasama si certain Sherwin sa bahay ni Alberto Villalos noong isang hapon.

Banda 6:00 ng gabi ng parehong araw nang umalis ito sa inuman upang dumalo sana sa kasal ng kanyang pamangkin sa kalapit na Sitio.

Gayunman, 6:00 ng umaga kinabukasan ay natagpuan na ito na isa ng malamig na bangkay matapos magtamo ng sa tinatayang mahigit 15 taga sa iba-ibang bahagi ng kanyang katawan sa gitna ng palayan.

Patuloy pang inaalam ng mga kapulisan ang responsable sa naturang malagim na krimen.

Kapitan arestado sa pagtutulak ng ilegal na droga

KALIBO, AKLAN--Arestado ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest ang isang kapitan sa bayan ng New Washington sa lalawigang ito sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga.

Ang Kapitan na si Isidro Bunyi, 40 anyos, ng Brgy. Pinamuk-an sa nabanggit na bayan ay naaesto sa kanyang sariling bahay ng mga tauhan ng pulisya, ng PAIDSOTG, at Aklan Provincial Police Office. Ito ay sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Mariata J Jemina, Pres. Judge ng RTC6, Br. 1, sa kasong paglabag sa seksyon 5 ng Artikulo II ng Batas Pambansa blg 9165.

Matiwasay namang sumama sa mga awtoridad ang naturang akusado at nahaharap sa habambuhay na pagkakulong.

Nabatid na una nang nakulong si Isidro sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa sekyon 11 ng parehong artikulong nabanggit o ang paggamit ng ilegal na droga Mayo noong nakaraang taon. Gayunman ay nakalabas ito matapos na makapagpiyansa.

Ayon kay SPO2 Cipriano ng NewWashington PNP ay minamanman pa nila ang kanyang mga kasamahan sa parehong gawain.

Si Isidro maliban sa kapitan ay isa ring negosyante sa pagbibinta ng mga seafoods.

Tuesday, July 28, 2015

No. 1 most wanted person in Aklan, binaril-patay

Courtesy of Shenggay Reunir FB.







KALIBO, AKLAN--Napilitang barilin ng mga tauhan ng Crime Investigation and Detection Group (CIDG)at Malinao PNP ang no. 1 most wanted person sa probinsiyang ito matapos na manlaban sa kanila dahilan ng kanyang agarang kamatayan kahapon sa Usman, Malinao.

Patungo na sana ang mga awtoridad sa bahay ng wanted person na si Giova
nie Masula, 55 anyos ng Vivo, Tangalan sa Brgy Usman upang magserbe ng warrant of arrest sa kanya para dakpin nang makasalubong nila ito sa daan na armado. Inunahan nito ng pagbaril ang mga awtoridad kung saan nadaplisan ng bala ang noo ni PO3 Roy Iguid ng CIDG-Aklan.

Dahil rito rumesbak ang mga awtoridad at natamaan ng bala si Masula sa kanyang katawan at ulo.

Narekober sa crime scene ang calibre 45 na baril at bala nito at itak na dala ng biktima.

Si Masula ay may kasong murder at isa rin sa mga itinuturong utak o pinuno ng gun for hire sa Aklan.

Thursday, July 23, 2015

56 anyos na karpentero nahulog sa ginagawang gusali sa Boracay

KALIBO, AKLAN--Nagtamo ng bali sa dalawang pangunahing buto sa likuran ang isang 56 anyos na karpentero matapos itong mahulog sa ginagawang gusali sa So. Pinaungon, Brgy. Balabagy sa Isla ng Boracay.

Napag-alaman na nag-aalis umano ng mga scaffolding ang biktima sa ikalawang palapag nang aksidenteng nabali ang tinatayuan nito dahilan upang ito ay mahulog banda 6:00 ng gabi at kung saan ay tumama ang kanyang likod sa isang tubo.

Agad namang tumulong ang kanyang mga kasamahan upang isugod ito sa isang klinika sa isla gayunman ay inilipat din sa provincial hospital sa bayang ito bago maghatinggabi.

Nangako naman umano ang kompaniya na sasagutin ang pagpapagamot sa kanilang manggagawa.

Dahil sa "Lucky 9" lalaki sinaksak-patay sa Lezo

KALIBO, AKLAN--Hindi na umabot ng buhay pa ang isang 28 anyos na lalaki sa provincial hospital sa bayang ito matapos na sinaksak sa bayan ng Lezo sa gitna ng pagsusugal sa isang lamay kagabi.

Napag-alaman sa report ng Libacao PNP nagsusugal ang biktima ng larong "Lucky 9" sa lamay ng kanyang lolo sa Brgy. Cugon banda alas-10 kagabi kasama ang suspek at iba pa.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang biktimang si Roland Briones, residente ng Laguinbanwa East Numancia, sa suspek dahil sa pandaraya nito sa laro na nagsisilbing "banka".

Dahil rito napikon ang suspek na si Laurence Datur, 34 anyos at residente ng parehong lugar. Agad itong bumunot ng patalim na ginamit upang saksakin ang biktima sa kanyang tiyan.

Buluntaryong sumuko naman ang suspek sa mga kapulisan at nahaharap ngayon sa kasong pagpatay.

Nabatid na dahil sa matinding sugat na tinamo nito kung saan labas na ang kanyang bituka ay agad itong binawian ng buhay.

Doble ngayon ang papasaning hirap ng pamilya dahil sa mistulang sumunod ang biktima sa kaniyang lolo na kasalukuyang nakaburol sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Tuesday, July 21, 2015

27 anyos na babae arestado sa pagnanakaw sa ospital

KALIBO, AKLAN--Agad na naaresto ng mga nakaduty na mga guwardiya ang isang 27 anyos na babae matapos mapag-alamang nagnanakaw sa loob ng provincial hospital kaninang madaling araw sa bayang ito.

Ayon sa ulat ng Kalibo PNP, banda 2:30 ng pumasok umano ang suspek sa surgical ward ng naturang ospital at nang makitang natutulog ang mga naroon kabilang na ang biktima ay doon ito nakapagnakaw.

Ang suspek na kinilalang si Niña Pateño, tubong Dit-ana, Madalag sa lalawigang ito. Samantalang ang biktima ay nakilalang si Loreza Cruz, 40 anyos ng Lupit, Batan, Aklan.

Gayunpaman naaktuhan siya ng isang bantay sa naturang lugar matapos itong lumabas sa CR. Nakuha ng supek ang bag na naglalaman ng mga importanteng dokumento ng biktima habang ito ay hawak-hawak niya habang natutulog sa isang sulok pati na ang cellphone na nakacharge sa gilid lang niya.

Agad namang nakahingi ng saklolo ang testigo at naharangan siya ng mga guwardiya sa labas na ng ospital at presenteng nakakulong na ngayon sa Kalibo PNP station at nahaharap sa kasong pagnanakaw.

Sa panayam ng Radio Birada! Boracay inamin niya na siya ay isa rin sa mga responsable sa parehong modus na nangyari sa pareho parin ospital noong Marso 5 ng taon ding ito at ibinunyag ang dalawa pa nitong kasamahan na sangkot sa krimen na pawang mga taga-Roxas di umano.

Pahayag nito na nagawa niya iyon para sa dalawa niyang maliit na mga anak.

10 bagong ambulansiya ibinigay sa Aklan

Larawan mula sa PIA-Aklan FB account.
KALIBO, AKLAN--Nakatanggap kahapon ang siyam na munisipalidad sa lalawigang ito at ang provincial hospital ng tig-iisang bagong ambulansiya para sa kanila mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Isinagawa ang pormal na pagturn-over sa ABL Sports Complex sa bayang ito. Pinangunahan ito nina Jose Ferdinand roxas, General Manager ng PCSO at Francisco Juaquin III, PCSO Board Director.

Ang mga bayang ito na nakatanggap ay ang Ibajay, Altavas, Balete, Libacao, Numancia, New Washington, Nabas, Madalag, Malay, at Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital dito sa Kalibo.

Ang mga ito ay malugod na tinanggap ng kani-kaniyang alkade ng mga nabanggit na bayan kasama ang kanilang mga Municipal Health Officers.

Umaasa ang PCSO na sa tulong ng mga bagong sasakyang pang-emerhensiya ay mapabibilis na ang pagresponde sa mga kababayang nangangailangan ng tulong sa panahong may aksidente o insidente.

Monday, July 20, 2015

20 bilyong investment sa Aklan ibinida

Ibinibida ni Rep. Haresco ang 20bilyon panibagong investment
ng Aklan kasama sina Gov. Miraflores at Vice Gov. Quimpo
sa press conference.
KALIBO, AKLAN--Ibinida ni Congressman Teodorico Haresco ng Aklan sa isang press conference ang 20 bilyong investment na makakalap ng lalawigan sa susunod na 2 hanggang 3 taon matapos silang magsagawa ng Investment Forum kasama ang mga malalaki at kilalang negosyante, imbestors, at mga eksperto sa industriya kapwa mula sa pribado at pampublikong sektor mula Manila.

Kabilang din sa isinagawang investment forum sina Gov. Joeben Miraflores, at Vice Gov. Bellie Quimpo.

Sa isinagawang pres conference ipinahayag ng Bise Gobernador na kailangan ng zoning o pagbubukod at pag-uuri ng mga establisyemento sa Isla ng Boracay lalo na sa buong Brgy. Balabag at sa So. Angol, Brgy. Manocmanoc nang sa gayon ay maiwasan at mabawasan ang siksikan sa lugar. Ito ay para makahikayat pa ng mas marami pang imbestor.

Ipinahayag din ng Gobernador na hindi pa handa ang mga Aklanon sa pagpapa-unlad sa sektor ng agrikultura dahil sa nakikitang nilang hindi ito ang interes ng karamihan gayunman ay hindi parin isinasantabi ang malaking pakinabang ng mga mapagkukunang-yaman para dito.

17 anyos na lalaki sugatan matapos pagtatagain ng sariling kapatid

KALIBO, AKLAN--Nasa himpilan na ngayon ng Libacao PNP ang suspek sa pananaga sa sarili nitong kapatid sa Brgy. Sibaliw sa nabanggit na bayan matapos na ito ay boluntaryong sumuko.

Napag-alaman sa ulat na banda-9:00 ng gabi kagabi, pinipigilan umano ng 17 anyos na biktima ang kanyang kuya na umuwi sa kanilang bahay. Dito nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Dahil nasa ilalalim ng nakalalasing na inumin, pinagtataga ng sariling kuya ang kanyang kapatid sa pamamahay ng kanilang ama.

Nakakonpayn ngayon sa provincial hospital ang biktima matapos magtamo ng matinding sugat sa kanyang kaliwang leeg at balikat.

Tourist guide, sugatan matapos barilin ng pulis sa Boracay

KALIBO, AKLAN--Kasalukuyang nagpapagaling ngayon sa provincial hospital sa bayang ito ang isang 28 anyos na lalaki matapos na mabaril sa kanyang tiyan ng isang pulis sa Boracay kagabi.

Ang biktima na isang tourist guide sa isla ng Boracay ay nakilalang si Jopel De Juan ng Bulwang, Numancia. Nagtamo ito ng sugat ng pagbaril sa kanyang tiyan.

Napag-alaman sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) PNP station na madaling araw kanina ay may nakaalitang isang Arabo habang nag-iinuman sa isang bar sa naturang isla. Napag-alaman na inawat siya ng pulis matapos niyang saksakin ang naturang dayuhan.

Gayunpaman nagpumiglas ito at nabaril siya ng pulis na kalauna'y nakilalang si PO2 Christian Nalangan.

Kasalukuyang pang iniimbestigahan ang naturang insidente ng BTAC.


Monday, July 13, 2015

Sa Aklan, 3 patay sa aksidente sa kalsadahin

SA LARAWAN: Pinagpipiyestahan ng mga residente ang lalaking namatay
matapos mabanggan ng jeep habang sakay sa kanyang motorsiklo
sa bayan ng Tangalan. Larawang kuha ni Darwin Tapayan.
KALIBO, AKLAN--Tatlo ang patay, isa ang agaw buhay at tatlong iba pa ang sugatan sa nangyaring magkahiwalay na aksidente sa sasakyan kahapon, araw ng Linggo, sa bayan ng Tangalan at sa Batan sa lalawigang ito.

Sa bayan ng Tangalan, dead on the spot ang driver ng motorsiklong biyahe mula Brgy. Tamalagon patungong Poblacion sa naturang bayan nang aksidente itong mabanggaan ng pampasaherong jeep galing biyaheng Caticlan-Kalibo.

Lumalabas sa imbestigasyon pulisya na umovertake ang motorsiklo sa isang van habang mabilis ang pagpapatakbo nang mangyari ang aksidente sa Brgy. Tondog sa bayan paring ito.

Kinaladkad pa ng jeep ang motorsiklo ng may sa 30 metro bago mahulog ang 23 anyos na lalaking biktima na si Jomar De Juan at residente rin ng naturang bayan. Nagtamo ito ng matinding sugat sa ulo at sa kaliwang paa dahilan ng agaran niyang kamatayan.

SAMANTALA, patay din ang dalawang drayber ng motorsiklo sa Batan habang ginagamot sa Altavas District Hospital matapos magkabanggan mula sa magkaibang direksyon sa kurbadang bahagi sa Brgy. Lupit.

Ang mga biktimang ito ay kinilalang sina Leonil Salvador, 50 anyos, residente ng naturang bayan, at Jay Victoriano, 18, residente ng Altavas.

Habang sugatan naman ang tatlo pang mga sakay sa naturang motorsiklo. Ang nag-iisang backrider ni Victoriano ay agaw-buhay sa ngayon sa ospital dahil sa matinding bali nito sa kanyang paa.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na kumakarera umano si Victoriano sa isa pang motorsiklo nang aksidente itong bumangga sa motorsiklong menamaneho naman ni Salvador.

Thursday, July 9, 2015

18 anyos na istudyante binugbog ng kaklase matapos mag-inuman

KALIBO, AKLAN--Dugaan ng isugod ng mga kapulisan ang isang 18 anyos na binatilyo sa isang pribadong ospital sa bayang ito ito ay matapos masungkot siya sa isang komosyon sa Sitio Ilaya, Brgy. Bakhaw Sur sa bayan ding ito.

Nakilala ang biktima na si John Carlo Coching, 18 anyos at 1st year Crimonology student dito. Nagtamo ito ng sugat sa kanyang noo at ilong. Dagdag pa rito base sa pahayag ng kanyang kapatid na babae na nagbabatay sa kanya sa paggamutan ay nagsusuka rin umano ito ng dugo.

Napag-alaman na nasa ilalim ng nakalalasing na inumin ang binatilyo. Hindi naman naabutan ng mga kapulisan ang mga suspek sa lugar. Pero kalaunan sa follow-up investigation, lumalabas na dalawa sa mga menor de edad nitong mga kaklase na naging kainuman niya bago maganap ang aksidente ang tinuturong responsable sa pananakit sa kanya.

Ang kasong ito ay iniimbestigahan pa sa Women  and Children's Protection Desk (WCPD) ng Kalibo PNP.

Tindero ng isda, dahil sa problemang mag-asawa nagbigti

Unang pahina ng suicide note ng nagbigting tindero.
Kuha ni Darwin Tapayan
KALIBO, AKLAN--Agad na naisugod sa provincial hospital sa bayang ito ang nawalang-malay na tindero ng isda matapos itong maabutang nakabigti sa loob mismo ng kanilang bahay sa Poblacion, Makato.

Nabatid sa report ng Makato PNP na banda alas-4:00 kahapon ng hapon, isang residente sa naturang lugar ang nagbigay-alam sa mga naka-duty na mga tauhan ng pulisya sa palengke ng naturang bayan na sa malapit ay may nakabigting lalaki.

Agag namang rumisponde ang mga kapulisan sa lugar at matapos matanggal sa pagkakabitay gamit ang plastik na lubid ay agad nilang isinugod sa nabanggit na pagamutan kung saan ito nabigyan ng kaukulang paggamot matapos ngang mawalan ng malay. Sa ngayon ay presenteng nagpapagaling ang 49 anyos na biktima sa pribadong kuwarto.

Napag-alam na problema sa pamilya ang dahilan ng tangkang pagpapakamatay ng naturang lalaki base narin sa narekober na suicide note niya ng mga kapulisan.

Nakasaad sa dalawang pahinang suicide note na pinunit na notebook ang kanyang pagmamahal sa kanyang kasamang babae at sa anak nito at sinasabing may kasalanan siya sa kanilang dalawa.

Bahay sa Ibajay nasunog sa kabila ng ulan

KALIBO, AKLAN--Nasunog ang sala ng isang bahay sa San Jose, Ibajay sa lalawigang ito hatinggabi kagabi sa kabila ng malakas na buhos ng ulan.

Naagapan ng mga kapitbahay ang paglawak ng sunog matapos ang isa sa mga ito ang unang nakasaksi at pinagtulungan nilang apulahin sa pamamagitan ng bucket brigade.

Napag-alaman sa pamamagitan ni FO2 Alvin De Vicente, imbestigador ng Bureau of Fire Protection Unit ng nasabing bayan na pagmamay-ari ni Beatres Maquirang, nasa legal na edad ang nasabing bahay.

Wala namang nasugatan sa aksidente. Katunayan, walang tao sa nasabing bahay ng mangyari ito na kung saan ang naturang may-ari ay nasa Kalibo ng mga panahong iyon.

Inaalam parin ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog na tumagal ng isang oras bago naapula.

Nabatid na naabu ang bahagi ng sala nito kabilang ang mga mahahalagang appliances. Yari sa konkretong kagamitan ang bahay.