Sunday, August 2, 2015

Politiko sa Aklan inaabangan ang pagsasadistrito nito

KALIBO, AKLAN--Atat na binabantayan ng ilang politiko sa lalawigang ito ang pagsasabatas ng panukalang inihain sa Senado sa paghahati sa Aklan sa dalawang distrito lalu na ang mga tatakbo sa congressional level bago ang nakatakdang pag-file ng certificate of candidacy (COC) sa Oktubre.

Kung maisasabatas na ang naturang panukala na nakabinbin ngayon sa committee on local goverments na pinangungunahan ni Sen. Ferdinand Marcos Jr., ay magkakaroon ng dalawang kongresman ang probinsiya.

Bagaman hindi pa nagpapahayag ng kanilang opisyal na pagtakbo sa nalalapit na 2016 eleksiyon, malaki ang posibilidad na tumakbong muli si Cong. Teodorico Haresco Jr sa parehong posisyon at gayundin ang kasalukuyang Gov. Florencio Miraflores.

Malaki din ang posibilidad na tatakbo sa pagiging congressman sina dating Aklan Gov. Carlito Marquez, kasalukuyang alkalde ng New Washington na si Edgar Peralta. At ang usap-usapang pagtakbo din ni dating Mayor Antonio Maming ng Banga.

Ang naturang panukala na nakasalangh na sa kaukulang komite
ay akda ni Cong. Haresco noong Hunyo 4, 2015.

Ang unang distrito ay bubuuin ng Altavas, Balete, Batan, Banga, Kalibo, New Washington, Libacao, at Madalag. Samantala ang ikalawang distrito naman ay bubuuin ng Buruanga, Ibajay, Lezo, Makato, Malay, Malinao, Nabas,Numancia, at Tangalan.

No comments:

Post a Comment