Friday, January 30, 2015

Dalawang motorsiklo nagbanggaan

Nagbanggaan ang dalawang motorsiklo sa harapan mismo ng opisina na Bureau of Fire Protection Boracay sa Brgy. Manocmanoc kaninang banda alas-5 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC, 5:45 ng mangyari ang naturang aksidente.

Habang binabay ni Kadapi Tahil, 39 anyos, tubong Cagayan De Oro at kasalukuyang nakatira sa So. Cabanbanan sa Brgy. Manocmanoc sakay ng kanyang motor ang kahabaan ng mainroad mula So. Malabunot patungong Brgy. Manocmanoc proper, bigla na lamang itong bumangga sa isa pang motorsiklo.

Napag-alaman na lasing ang nakabanggaan nito na nakilala kay Elmar Ramos, 22 anyos, residente ng bayan ng Tangalan, Aklan.

Ayon sa blotter, inagawan umano ng huli ng right of way si Kadapi sa isang kurabada habang sila ay nasa magkasalungat na direksiyon.

Samantala, isinugod naman silang parehas sa Ciriaco Tirol S. Hospital para sa kaukulang medikasyon.

Ang mga motorsiklo ay naka-impound sa BTAC police station para sa kaukulang desposisiyon. Napag-alaman pa na ang dalawa ay parehong walang lesinsiya.

Lalaki sinaksak ng tambay

Nagtamo ng sugat sa ulo nito at dibdib ang isang lalaki matapos saksakin ng di pa nakikilalang suspek kaninang madaling araw sa resident area ng biktima sa Brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay.

Ayon sa blotter entry ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center, nakilala ang biktima na si Ralph Geraud, 22 anyos at kasalukuyang nakatira sa So. Tulubhan sa Isla ring nabanggit.

Napansin ng biktima kasama ang isa pa ng madaling araw sa lugar na tinutuluyan nila sa trabaho, may tatlong hindi pa nakilalang mga nakatambay sa lugar malapit sa kanilang kuwarto. Sinabihan ito ni Ralp na huwag tumambay ang mga ito doon dahil ito ay bawal.

Dahil rito nagkaroon ng alitan sa dalawang panig. Isa sa mga tambay ang biglang sumaksak sa biktima ng hindi pa nalalamang uri ng patalim dahilan upang magtamo ng kaunting sugat sa kanya.

Agad na mang dinala ang biktima sa Ciriaco Tirol S. Hospital para sa agarang lunas.

Samantala tumakbo naman papalayo sa hindi malamang direksiyon ang mga suspek.

Iniimbestigahan pa ng kapulisan ang nasabing pangyayari.

Monday, January 26, 2015

Korean national binangga sakay ng e-trike

Nagtamo ng ilang galos sa katawan ang isang Korean national nang matumba sa kalsada sakay ng minamanehong e-trike matapos masagi ng humaharurot umanong motorsiklo.

Ayon sa biktima binabaybay nito ang kalsada patungong laketown sa Brgy. Balabag at nang ito ay papaliko na sa isang simbahan sa nasabing lugar, bigla nalamang na nahagip ng isang humaharurot  na motorsiklo ang gulong ng kanyang e-trike.

Dahil dito natumba ang biktima. Nagtamo rin ng ilang pinsala ang kanyang e-trike.

Samantala hindi nagpapigil ang suspek at mabilis pang humarurot.

Kinilala ang biktima kay No Mi Ok, babae, 54 anyos. Samantala inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilalan ng suspek.

Saturday, January 24, 2015

Track at motor nagbanggaan; 1 patay, 3 malubha

Patay ang driver ng motorsiklo habang sumasailim sa isang medikasyon sa opsital samantala sugatan naman ang tatlo nitong back rider matapos magsalpukan ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang delivery van sa Brgy Solido, Nabas.
photo credit of Johny Ponce

Kinilala ang driver kay Marjun Redondo, 26 anyos, at residente ng Brgy. Balabag sa Isla ng Boracay sakay ang tatlong back rider na pawang kapamilya nito: Geraldine Sereño, 21, residente ng Agbago Ibajay, live-in partner ng driver; Marjie Redondo, 3, anak; at ang kapatid nitong babae na si Jesse Redondo, 15, residente rin ng Brgy. Balabag.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Nabas PNP, patungong Agbago Ibajay mula sa Malay ang mga nabanggit. Kasalukuyang nagdiriwang ng bisperas ng pista ng Ati-atihan ang nasabing bayan.
Samantala, patungong bayan ng Malay mula Pandan, Antique ang nakasalpukang van nito na minamaneho ni Jessie Tanamal, 24 anyos, residente ng Tarlac City at kasalukuyang nakatira sa Kalibo.

Nangyari ang salpukan matapos kumaliwa ang motorsiklo kung saan mabilis na paparating ang nasabing van. 

Agad namang naisugod sa pagamutan ang apat na sakay ng motorsiklo sa lokal na ospital ng Ibajay matapos magtamo ng matinding pinsala.

Habang isinasagawa ang operasyon sa driver ng motorsiklo ay binawian ito ng buhay. Isinugod naman sa opsital sa Kalibo ang tatlo pa niyang kasamahan at kasalukuyang nagpapagaling.

Kasalukuyan namang nakadetine sa police station ng Nabas ang driver ng delivery van at ang mga nabanggit na sasakyan para sa kaukulang disposiyon.

Thursday, January 22, 2015

Isang tatoo artist tiklo sa pagtutulak ng ilegal na droga

BORACAY ISLAND, MALAY--Arestado ang isang lalakeng tatoo artist sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad kagabi sa So. Manggayad, Brgy. Manocmanoc sa islang ito  kaninang madaling araw matapos makunan ng mga hinihinalaang shabu.

Nakilala ang tatoo artist sa pangalang Sandy Dela Cruz, 36 anyos, at tubong Bacolod City, Negros Occidental at kasalukuyang nakatira sa nabanggit na lugar.

Nakuha sa suspek ang 6 na plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu at isang aluminum foil na may tira ng hinihinalaan ding sangkap . Nasabat rin ang ilang mga kagamitan sa mga transaksiyon ng suspek kabilang na ang cellphone na naglalaman ng mga text messages ng ilegal na transaksiyon, at pera na walong 500 peso bill at tatlong 1000 peso bill .

Nakuhaan din ng tatlong magkaibang kalibre ng baril ang suspek: caliber 9mm, caliber 38, at caliber 22 magnum. 9mm, caliber 38, at caliber 22 magnum. Nakuha din ang mga bala ng baril kung saan tatlo dito ang para sa caliber 22, sampu sa caliber magnum 22, 13 sa caliber 9mm at tatlo sa caliber 38.

Nakuha naman sa naging poseur buyer ang isang sachet ng hinihinalaan ding shabu at ang perang ginamit sa operasyon na nagkakahalaga ng P1000.00.

Nakatakda namang i-inquest ang nasabing suspek sa Kalibo PNP station upang sampahan ng kasong paglabag sa paglabag sa Republic Act 9165 o An Act Instituting The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang nasabing operasyon ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) PNP sa pangunguna ni PS/Insp. Fidel Gentallan, OIC at PAIDSOTG na pinangunahan ni PS/Insp. Renante Matillano.

Ang operasyon ay dinaluhan din ni Kabiradang Johny Ponce ng Radio Birada! Boracay bilang Media Representative.




Wednesday, January 21, 2015

Koreano biktima na naman ng pagnanakaw?

Isa na namang malagim na pangyayari ang naranasan ng bisita sa Isla ng Boracay matapos itong manakawan.

Nangyari ang insidente sa isang smoke bar and resto sa Station 2 sa isla.

Ayon sa blotter entry, naghahapunan ang biktima na kinilala kay Hyun Jung Ko, 23 at isang Koreano kasama ang ilan nitong mga kaibigan ng mangyari ang insidente.

Inilagay umano niya sa buhangin sa ilalim ng kanyang upuan ang kanyang bag habang kumakain.  Nagulat na lamang ito ng makita ang kanyang bag sa ilalim ng kabilang mesa kasunod nila na nakabukas na at wala na ang mahahalagang gamit nito kabilang na ang kanyang pitaka na naglalaman ng halagang P20, 000.00, camera, sim card at diver scuba diving license card.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC, may dalawang hindi pa nakikilalang lalake ang nakaupo sa mesa kasunod nila kung saan niya natagpuan ang kanyang bag na wala ng laman. Bago pa man ito may dumating umanong kasamahang lalake sa nasabing mesa na nakasuot ng puting t-shirt at nag-order ng beer.

Matapos ang mag-CR ang waitress na nagsilbi ng beer sa lalake, mga 15 minuto, napansin nalamang nito na wala na ang tatlo sa mesa na hindi pa nauubos ang inorder na beer. Dito nakita niya sa ilalim na mesa ang bag ng biktima at nakabukas na ito.

Hinala ng mga ito ang mga iyon ang maaaring responsable sa pagnanakaw.

Tuesday, January 20, 2015

Widening ng kalsada sa Boracay maaring maantala--Engr. Solano

Hindi pa ngayon tiyak ni Engr. Arnold Solano,OICmunicipal engineer ng Malay kung matatapos ba
ang widening ng mainroad sa Isla ng Boracay bago mag-APEC (Asean-Pacific Economic Cooperation) Summit na mangyayari sa darating na Mayo ng taong kasalukuyan.

Hindi pa kasi umano naiirelease ng tatlong barangay sa Isla ang pondong ilalaan para sa pagsasaayos at pagpapalapad ng kalsada. Una rito humiling ang munisipyo ng tulong mula sa Department of Public Work and Highways (DPWH) Aklan para sa nasabing proyekto gayunman ay hindi pa nila natatanggap ang nasabing pondo na aprobado na rin.

Sa panayam ng Radyo Birada! kay Engr. Solano, matagal na ri umanong humingi siya ng tulong na pondo kay Congressman Teodorico Haresco upang aspaltuhin ang mga baku-bakong kalsada. Aalamin pa nito ang magiging tugon ng kongresman.

Nabatid na lalaparan ang main road ng Boracay kaugnay parin ng preparasyon sa nalalapit na gaganaping APEC Summit 2015 na dadaluhan ng daan-daang panauhin mula sa loob at labas ng bansa.



Panauhing pandangal sa Atiatihan suprisa-Mayor ng Ibajay

Suprisa umano ang magiging panauhing pandangal sa nagpapatuloy na Ati-atihan festival ngayon sa bayan ng Ibajay, Aklan ayon kay Mayor Ma. Lourdes Miraflores.

Tiniyak naman nito na ito ay nasa hanay ng pulitika.


Samantala, ito naman ang ikatlong araw na ng isang linggong pagdiriwang ng  Sto. Niño Ati-atihan festival ngayong taon. Gayunpaman, una nang isinagawa ang selebrasyon sa lingguhang Ibajay Idol Season 5 noon pang  Nobyembre 14 ng nakaraang taon. Ang grand finals ay ginawa ng nakaraang lunes sa Gavino Solidom Park na dinaluhan nga ng mga ilang artista.


Ayon pa kay Mayor Miraflores, wala naman umanong naging pagbabago sa mga aktibidad na kasama sa pagdiriwang subalit tiniyak nito na taon-taon ay napapaganda nila ang kanilang presentasyon.

Ipinaalam pa nito na ang magiging highlight ng nasabing selebrasyon ay ang paglilipat ng Holy Image of Sto. Ñino de Ibajay mula sa Catholic Rectory para sa paglalagay naman St. Peter Parish Church na isinasagawa lamang isang beses isang taon, na pangungunahan ng Parish Pastoral Council, Congressman, Mayor ng bayan at mga opisyal, mga deboto at ng Sayaw Calizo Group na gaganapin sa Sabado ng umaga.

Nagpadala naman ng mga kapulisan ang rehiyon at ilang munisipyo sa probinsiya para makipag-sanib puwersa sa pagtiyak ng seguridad sa nasabing pagdiriwang.


Monday, January 19, 2015

3 fish vendor, huli re: walang permit

BORACAY ISALND, AKLAN--Dinampot at dinala ng mga kaduty na Brgy Tanod ng Balabag sa Islang ito ang 3 tindero ng isda sa tanggapan ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC police station dahil sa pagtitinda ng mga ito na wala mga kaukulang permit.

Kinilala ang mga ito na sina Jomar Gonzales, 22 anyos at Jimjim Lopez, 24.

Samantala, kinumpiska naman ang mga panindang isda ni Jonelyn Suyod, tubong Nabas Aklan at nasa legal na edad at dalawang hindi nakilalang babae matapos tumangging magtungo sa BTAC.

Nabatid na ang mga ito ay pawang mga walang Mayor's permit.

Ayon pa sa mga tanod, si Gonzales ay panglimang beses na nahuli na nagtitinda na walang permit.

Pagnanakaw ng isang guwardiya, huli sa CCTV

BORACAY ISLAND, MALAY--Ipinagpalit ng isang guwardiya ang kanyang kasalukuyang trabaho matapos hindi na ito bumalik sa kanyang pinagtratrabahuhang coffee shop sa isalng ito dahil marahil sa kahihiyan nang nakawin niya ang pera ng kustomer na Koreano..

Ayon sa blotter entry ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center police station, naiwan ang pouch ng kustomer na Koreanong babae na kinilala kay Hyun Hee Lee, 34 anyos at kasalukuyang nagbabakasyon sa isla, sa coffee shop sa D' Mall, Brgy Balabag na pinagtratrabahuhan ng suspek na guwardiya.

Batay sa imbestigasyon ng BTAC na naiwan ng biktima ang kanyang pouch sa 2nd floor ng naturang establishemento matapos itong lumipat sa veranda ng gusali mga alas-8:30 ng gabi.

Nakita naman ng isang kustomer na nagngangalang Alfred John Cortez, 32 anyos ang naturang pouch na naglalaman ng pera sa mesa na una nang inupuan ng biktima.

Iniabot naman kaagad ito ng saksi sa guwardiya sa oras na iyon ang nasabing pouch at inilagay nam an ng guwardiya sa likod ng CCTV monitor.

Umalis ang guwardiyang iyon at ang pumalit na guwardiya na kinilala kay Reymund Simon, nasa legal na edad, banda alas-9 ng parehong gabi ay lumapit ng maiigi sa CCTV monitor at kinuha ang perang nasa loob ng pouch na nagkakahalaga ng P9,000.00.

Positibong napag-alaman ang pagnanakaw na ito batay na rin sa pagreview ng CCTV camera ng nasabing establishemento dalawang araw matapos mangyari ang insidente.

Umalis ang suspek sa lugar alas-6:00 ng umaga kinabukasan ng walang paalam at hanggang ngayon ay hindi na nakabalik sa trabaho.

Nasa ilalim parin ng imbstigasyon ng pulis ang nasabing kaso.

Trabahante, umaangal re: walang sahod; tinaguan pa ng contractor

Hindi na matiis pa ng tatlong construction worker ang hindi pagpapasahod sa kanila isang buwan na ng pinagtratrabahuhang construction sa Brgy. Balabag, Boracay Island, Malay, Aklan kaya naman mainabuti na lamang nila na ipablotter ito.
Ang mga biktimang ito ay kinlala kina Rodeto Sapa, 32 anyos; Ronel Ubal, 18 anyos, at Sandy Lipasana, 18 pawang mga tubong Negros Occidental.

Kinilala naman ang constructor-engineer na si Ceasar Duresca, nasa legal na edad at tubong Iloilo at kasalukuyang nakatira sa nabanggit na Barangay.

Ayon sa mga naturang trabahante hindi umano sila sinahuran ng contractor mula pa noong Disyembre 22 ng nakaraang taon pa o isang buwan na sa ngayon.

Nangako pa umano ito sa kanila na babayaran sila subalit hindi na matawagan pa at matagpuan ang nasabing suspek.

Ang kasong ito ay ibinaba ng Boracay Tourist Assistance Center  sa Barangay Justice System ng nasabing barangay.

Friday, January 16, 2015

Babae hinampas ng helmet sa ulo, sugatan

Duguan ang ulo ng biktimang babae ng isinugod ito sa ospital sa isla ng Boracay matapos itong hampasin ng suspek ng helmet ang nasabing bahagi ng katawan ng babae.

Ayon sa blotter entry ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center, nag-aaway umano ang biktima na kinilala kay Ancelie troco, 29 anyos, kasama ang kanyang live-in partner ng dumating ang suspek at ginawa ang paghampas nito ng helmet sa babae.

Ayon sa ulat, maari umanong nadisturbo nito ang suspek na nakilala naman kay Archie Luces, residente ng So. Tambisaan, Brgy. Manocmanoc kung saan nanyari ang insidente, dahil sa pagtataas ng boses ng babaeng biktima.

Dahil rito, nagdugo ang ulo ng biktima at agad na isinugod sa Ciriaco Tirol S. Hospital.

Napagkasunduan naman ng dalawang panig na ayusin nalang ang nasabing kaso sa Barangay Justice ng nasabing lugar.

Thursday, January 15, 2015

Lalake sinuntok muna bago ninakawan

Sinuntok muna ng suspek sa ulo ang isang lalake bago nito ninakawan ng cellphone kaninang hating gabi sa harap ng isang restaurant, Balabag, Boracay Island, Malay, Aklan.

Ayon sa blotter entry ng Boracay Tourist Assistance Center (o BTAC), habang naglalakad ang biktima na nakilala kay Joselito Guara y Tandog, 20 anyos, at tubong Buruanga, Aklan, kasama ang dalawa pang lalake, mula sa Station 1 patungong Station 2 sa front beach sa nabanggit na isla nang bigla na lamang silang inatake ng hindi pa nakikilalang lalaking  suspek.

Bigla umanong sinuntok sa kaliwang ulo nito ang biktima dahilan upang matumba ito at  kinuha ang hawak na cellphone ng bikitma saka tumakbo papalayo sa Station 1.  

Ayon sa kanila, nakasuot ng puting jacket ang suspek, small-built, may taas na 5'3"-5'4" ang taas.

Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation ang mga kapulisan sa posibleng paghuli rito subalit negatibo ang naging resulta.

Kasalukuyang paring nasa imbestigasyon ng kapulisan ang nasabing nagyari.