Monday, January 19, 2015

Pagnanakaw ng isang guwardiya, huli sa CCTV

BORACAY ISLAND, MALAY--Ipinagpalit ng isang guwardiya ang kanyang kasalukuyang trabaho matapos hindi na ito bumalik sa kanyang pinagtratrabahuhang coffee shop sa isalng ito dahil marahil sa kahihiyan nang nakawin niya ang pera ng kustomer na Koreano..

Ayon sa blotter entry ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center police station, naiwan ang pouch ng kustomer na Koreanong babae na kinilala kay Hyun Hee Lee, 34 anyos at kasalukuyang nagbabakasyon sa isla, sa coffee shop sa D' Mall, Brgy Balabag na pinagtratrabahuhan ng suspek na guwardiya.

Batay sa imbestigasyon ng BTAC na naiwan ng biktima ang kanyang pouch sa 2nd floor ng naturang establishemento matapos itong lumipat sa veranda ng gusali mga alas-8:30 ng gabi.

Nakita naman ng isang kustomer na nagngangalang Alfred John Cortez, 32 anyos ang naturang pouch na naglalaman ng pera sa mesa na una nang inupuan ng biktima.

Iniabot naman kaagad ito ng saksi sa guwardiya sa oras na iyon ang nasabing pouch at inilagay nam an ng guwardiya sa likod ng CCTV monitor.

Umalis ang guwardiyang iyon at ang pumalit na guwardiya na kinilala kay Reymund Simon, nasa legal na edad, banda alas-9 ng parehong gabi ay lumapit ng maiigi sa CCTV monitor at kinuha ang perang nasa loob ng pouch na nagkakahalaga ng P9,000.00.

Positibong napag-alaman ang pagnanakaw na ito batay na rin sa pagreview ng CCTV camera ng nasabing establishemento dalawang araw matapos mangyari ang insidente.

Umalis ang suspek sa lugar alas-6:00 ng umaga kinabukasan ng walang paalam at hanggang ngayon ay hindi na nakabalik sa trabaho.

Nasa ilalim parin ng imbstigasyon ng pulis ang nasabing kaso.

No comments:

Post a Comment