Tuesday, November 17, 2015

Apartment sa Boracay, nilooban

Limas ang mga gadgets at pera ng mga biktima matapos pasukin ng di nakikilalang suspek ang kanilang inuupahang apartment sa isla ng Boracay.

Personal na nagtungo sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang mga biktimang sila Blazej Schmidt, 35-anyos, isang Polish national, at Jhovy Obenita, 28-anyos, at parehong nanunuluyan sa isang private apartment sa So. Bolabog, Brgy. Balabag, Malay Aklan upang i-report ang pagka-wala ng kanilang mga gamit sa kanilang apartment.

Ayon sa salaysay ng mga biktima, pagka-gising ng mga ito bandang alas-7:00 ng umaga ng Nob. 17, 215 ay napansin nilang bukas na ang kanilang pintuan at nawawala na ang isang silver na laptop na nakalagay sa tabi ng kanilang kama. Nawawala din ang isang wallet na naglalaman ng perang nagkakahalaga ng Php 49,000.00 at credit cards, pati na ang isang touchscreen smartphone na pinagmamay-arian ni Obenita. Na-kumpirma din ng nasabing biktima na nakapag-withdraw ang di-nakikilalang suspek ng perang nagkakahalaga ng Php 40,000.00 mula sa kanyang credit card. Nakita din ni Obenita ang kanyang wallet sa isa pang bahagi ng kanilang inuupahang apartment ngunit wala na itong laman. Sa ngayon ay under further investigation pa ang nasabing kaso.

Mga magnanakaw, umaatake na naman sa Boracay!

Ilang kaso ng pagnanakaw ang nangyari sa iba’t-ibang bahagi ng isla ng Boracay na nai-report sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Alas-4:30 ng umaga ng Nob. 17, 2015, personal na ini-report ng biktimang si Sarah Bondarenko, 27-anyos, isang British national, at kasalukuyang nanunuluyan sa isang hotel sa Station 2, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan, matapos na mapansin niyang nawawala ang kanyang brown leather bag na naglalaman ng perang nagkakahalaga ng Php 5,000.00, iba’t-ibang uri ng cards, driver’s license, at dalawang cellphone.

Ayon sa biktima, inilagay niya ang kanyang bag sa harap ng isang hotel sa front beach sa bandang Station 1, isla ng Boracay, upang maligo sa dagat, 5 metro ang layo mula sa kanyang gamit. Pag-ahon mula sa dagat ay napansin niyang nawawala na ang kanyang gamit na iniwan sa buhanginan. Wala naman umano siyang napansin na lumapit sa kanyang gamit bago ito nawala. Sinubukang hanapin ng biktima ang kanyang mga gamit ngunit hindi na niya ito nahanap.

Sa nasabi ring petsa, personal na nag-report sa himpilan ng Boracay Police ang complainant na si Gennelyn Napud y Estoya, isang pharmacy assistant ng isang botika dito sa Brgy. Balabag, Boracay Island, tubong Lindero, Libertad, Antique, at kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay sa isla ng Boracay, matapos na ma-nakaw ang kanyang cellphone sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan.

Ayon sa salaysay ng biktima, habang inaasikaso ang isang customer sa botikang kanyang pinagtatrabahuhan ay inilagay niya ang kanyang touchscreen cellphone malapit sa gilid ng bintana malapit sa kanilang mga paninda. Makaraan ang ilang minuto ay napansin niyang nawawala na ang kanyang cellphone. Sinubukan niyang hanapin ang nasabing cellphone ngunit hindi na niya ito nakita. Nang tignan sa kuha ng CCTV camera, isang hindi nakikilalang lalake na walang damit pang-itaas ang pumasok sa nasabing establisimiyento at pasimpleng kinuha at tinangay ang nasabing cellphone.

Isa pang kaso ng pagnanakaw ang ini-ulat sa BTAC sa nasabing petsa. Ayon sa police blotter, bago maligo sa baybayin malapit sa isang restaurant sa beach front ng Station 2 ang biktimang si Mary Joy Depaclayon y Lasar, 28-anyos, tubong Dumangas, Iloilo at kasalukuyang nanunuluyan sa So. Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay Island, Malay, Aklan, ay iniwan niya ang kanyang brown bag na naglalaman ng Php 10,150.00, isang touchscreen cellphone, at ilan pang mga personal na gamit. Maya-maya ay napansin nila ang isang lalake na kinuha at itinakbo ang nasabing bag. Maagap namang hinabol ng kasamahan ng biktima ang suspek at nahuli ito. Sa pag-responde ng mga pulis ay nakilala ang suspek na si Elamar Desales y Besana, 26-anyos, tubong President Roxas, Capiz, at kasalukuyang naninirahan sa So. Kipot, Brgy. Manoc-manoc, Boracay Island, Malay, Aklan. Agad naman itong inaresto, inimpormahan at ipinaintindi ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, at kasakuluyang nasa kustodiya ng Boracay PNP para sa karampatang disposisyon.

Thursday, November 12, 2015

Gordon bumisita sa Aklan

KALIBO, AKLAN--Napuno ng kulay pula ang buong ABL Sports Complex sa bayang ito hapon ng Huwebes matapos magtipun-tipon ang mga boluntartyo ng Philippine Red Cross mula sa iba-ibang lugar. Masayang sinalubong ng mga ito sa Aklan, Capiz, Antique, at Iloilo ang Chairman at Chief Executive Officer ng Red Cross na si Richerd Gordon at mga kasamahan nito.

Sa isinagawang programa sa lugar inulat ni Gordon ang mga nagawa at ginagawa ng PRC, isa sa pinakamalaking humanitarian organization sa buong mundo, sa nakaraang dalawang taon nang manalasa ang bagyong Yolanda. Tampok rin sa programa ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng organisasyong nabanggit at Community Managed-Livelihood Project. dumalo rin dito ang Bise Presidente ng Aklan at kinatawan ni Mayor Lachica upang magbigay-mensahe.

Una rito, personal na dumalaw si Gordon at mga kasamahan niya sa ilang barangay ng New Washington kung saan malaking natulungan ng PRC. Nagsagawa rin ng maiksing programa sa Dumaguet Brgy covered court sa naturang bayan. Dumalo rito ang ilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan kabilang na si Mayor Edgar Peralta at mga benipisaryo ng organisasyon sa lugar. Nabatid na ang New Washington ang isa sa mga matinding nasalanta ng bagyo. Gayun na lamang ang pasasalamat ng mga opisyal at mga residente roon sa Red Cross.

Samantala, ipinakita naman ni Gordon ang kanyang pagkadismaya sa gobyerno dahil sa bagal ng tulong kapag panahon ng kalamidad at madalas ay nauunahan pa ng mga pribadong organisasyon. Pinasiguro niya na hindi titigil ang organisasyon sa pagtulong sa panahon ng emerhensiya at paglalaan ng tulong-kabuhayan sa mga mamamayan.

Tuesday, November 3, 2015

Mahigit 12 libong botante sa Aklan di na makakaboto

KALIBO, AKLAN--Mahigit sa 12 libong rehistradong botante ang posibleng hindi makaboto sa darating na lokal at nasyonal na eleksiyon sa Mayo 9, 2016 sa lalawigan ng Aklan. Ayon kasi sa pinakahuling Consolidated Progress Report ng Commission on Elections-Aklan sa halos 336 libong rehistradong botante ay 12 libo dito ang hindi nakapagpa-biometrics.

Pinakamataas sa 17 bayan ng probinsiya ang Kalibo na may halos tatlong libong rehistradong botante ang hindi na nakapagpabiometric, sinundan ito ng Malay na may mahigit isang libo. Pamupangatlo naman rito ang New Washington na may halos isang libo. Pinakamababa naman sa bilang ang  bayan ng Madalag, Lezo, at Altavas.

Ang bayan ng Kalibo ang may pinakamataas na bilang ng mga botante sa probinsiya na may halos 43 libong bilang. Sinundan ng Malay sa bilang na mahigit 29 libo at Ibajay sa mahigit 26 libo bilang ng mga botanteng nakapag-pabiometrics.

Matatandaan na paulit-ulit ang ginawang kampanya ng COMELEC sa mga rehistradong botante na magpa-biometrics. Sa bago kasing sistema ay hindi na makakaboto ang isang tao kung wala itong biometrics data bagaman ito ay rehistrado. Nagsimula ang pagsasagawa ng biometrics nitong Mayo at nagtapos sa huling araw ng buwan ng Agosto.


Samantala, sa Nobyembre 16 ay magsasagawa ng huling hearing ang COMELEC-Aklan para sa pagsasaayos ng listahan ng mga botante sa buong lalawigan.###

Monday, November 2, 2015

Magkasintahan timbog sa pagtutulak ng ilegal na droga

ISLA NG BORACAY--Natimbog ng mga awtoridad ang magkasintahan sa So. Diniwid, Brgy. Yapak sa islang ito matapos maaktuhang nagtutulak ng ilegal na droga.
Naaresto ang dalawa sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib-pwersa ng mga tauhan ng Boracay Tourist Assistance Center, Malay Municipal Police Station, at Aklan Provincial Police Office Anti-Illegal Drugs Operation Task Group.
Kinilala sa report ang magkasintahan na sina Adrian Timbang, 26, tubong Lubao, Pampanga, at Rose Ann Gajila, 27, tubong Alcantara, Romblon.
Nakuha sa dalawa ang isang sachet ng shabu kapalit ng isang libong piso sa isinagawang operasyon banda 3:30 ng umaga, araw ng Huwebes sa kanilang boarding house. Maliban rito, isa pang sachet ng shabu ang natagpuan sa kanilang kuwarto, at tatlong sachet na naglalaman ng residue ng parehong ilegal na droga. Nasawata rin sa kanila ang mga drug paraphernalia kabilang na ang isang yunit ng cellphone na ginagamit sa ilegal na transaksiyon ng shabu.
"Ayaw sabihin ng kasama ko kung saan siya kumukuha ng ilegal na droga. Natatakot kasi siya dahil malaking tao ang kanyang pinagkukunan," ayon kay Rose Ann sa panayam ng Radio Birada! sa kanya. Giit nito na nagkautang diumano ng malaking halaga ang kanyang live-in partner kaya ito napilitang pumasok sa ilegal na hanapbuhay. Nabtid na ang lalaki ay nagtratrabaho bilang kusenero sa isla at massage therapist naman ang babae.
Nakapiit ngayon ang dalawa sa Bureau of Jail Management and Penology sa Brgy. Nalook, Kalibo, Aklan matapos sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous  Drug Act of 2002.