Tuesday, November 17, 2015

Mga magnanakaw, umaatake na naman sa Boracay!

Ilang kaso ng pagnanakaw ang nangyari sa iba’t-ibang bahagi ng isla ng Boracay na nai-report sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Alas-4:30 ng umaga ng Nob. 17, 2015, personal na ini-report ng biktimang si Sarah Bondarenko, 27-anyos, isang British national, at kasalukuyang nanunuluyan sa isang hotel sa Station 2, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan, matapos na mapansin niyang nawawala ang kanyang brown leather bag na naglalaman ng perang nagkakahalaga ng Php 5,000.00, iba’t-ibang uri ng cards, driver’s license, at dalawang cellphone.

Ayon sa biktima, inilagay niya ang kanyang bag sa harap ng isang hotel sa front beach sa bandang Station 1, isla ng Boracay, upang maligo sa dagat, 5 metro ang layo mula sa kanyang gamit. Pag-ahon mula sa dagat ay napansin niyang nawawala na ang kanyang gamit na iniwan sa buhanginan. Wala naman umano siyang napansin na lumapit sa kanyang gamit bago ito nawala. Sinubukang hanapin ng biktima ang kanyang mga gamit ngunit hindi na niya ito nahanap.

Sa nasabi ring petsa, personal na nag-report sa himpilan ng Boracay Police ang complainant na si Gennelyn Napud y Estoya, isang pharmacy assistant ng isang botika dito sa Brgy. Balabag, Boracay Island, tubong Lindero, Libertad, Antique, at kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay sa isla ng Boracay, matapos na ma-nakaw ang kanyang cellphone sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan.

Ayon sa salaysay ng biktima, habang inaasikaso ang isang customer sa botikang kanyang pinagtatrabahuhan ay inilagay niya ang kanyang touchscreen cellphone malapit sa gilid ng bintana malapit sa kanilang mga paninda. Makaraan ang ilang minuto ay napansin niyang nawawala na ang kanyang cellphone. Sinubukan niyang hanapin ang nasabing cellphone ngunit hindi na niya ito nakita. Nang tignan sa kuha ng CCTV camera, isang hindi nakikilalang lalake na walang damit pang-itaas ang pumasok sa nasabing establisimiyento at pasimpleng kinuha at tinangay ang nasabing cellphone.

Isa pang kaso ng pagnanakaw ang ini-ulat sa BTAC sa nasabing petsa. Ayon sa police blotter, bago maligo sa baybayin malapit sa isang restaurant sa beach front ng Station 2 ang biktimang si Mary Joy Depaclayon y Lasar, 28-anyos, tubong Dumangas, Iloilo at kasalukuyang nanunuluyan sa So. Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay Island, Malay, Aklan, ay iniwan niya ang kanyang brown bag na naglalaman ng Php 10,150.00, isang touchscreen cellphone, at ilan pang mga personal na gamit. Maya-maya ay napansin nila ang isang lalake na kinuha at itinakbo ang nasabing bag. Maagap namang hinabol ng kasamahan ng biktima ang suspek at nahuli ito. Sa pag-responde ng mga pulis ay nakilala ang suspek na si Elamar Desales y Besana, 26-anyos, tubong President Roxas, Capiz, at kasalukuyang naninirahan sa So. Kipot, Brgy. Manoc-manoc, Boracay Island, Malay, Aklan. Agad naman itong inaresto, inimpormahan at ipinaintindi ang kanyang mga karapatang konstitusyonal, at kasakuluyang nasa kustodiya ng Boracay PNP para sa karampatang disposisyon.

No comments:

Post a Comment