KALIBO, AKLAN--Napuno ng kulay pula ang buong ABL Sports Complex sa bayang ito hapon ng Huwebes matapos magtipun-tipon ang mga boluntartyo ng Philippine Red Cross mula sa iba-ibang lugar. Masayang sinalubong ng mga ito sa Aklan, Capiz, Antique, at Iloilo ang Chairman at Chief Executive Officer ng Red Cross na si Richerd Gordon at mga kasamahan nito.
Sa isinagawang programa sa lugar inulat ni Gordon ang mga nagawa at ginagawa ng PRC, isa sa pinakamalaking humanitarian organization sa buong mundo, sa nakaraang dalawang taon nang manalasa ang bagyong Yolanda. Tampok rin sa programa ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng organisasyong nabanggit at Community Managed-Livelihood Project. dumalo rin dito ang Bise Presidente ng Aklan at kinatawan ni Mayor Lachica upang magbigay-mensahe.
Una rito, personal na dumalaw si Gordon at mga kasamahan niya sa ilang barangay ng New Washington kung saan malaking natulungan ng PRC. Nagsagawa rin ng maiksing programa sa Dumaguet Brgy covered court sa naturang bayan. Dumalo rito ang ilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan kabilang na si Mayor Edgar Peralta at mga benipisaryo ng organisasyon sa lugar. Nabatid na ang New Washington ang isa sa mga matinding nasalanta ng bagyo. Gayun na lamang ang pasasalamat ng mga opisyal at mga residente roon sa Red Cross.
Samantala, ipinakita naman ni Gordon ang kanyang pagkadismaya sa gobyerno dahil sa bagal ng tulong kapag panahon ng kalamidad at madalas ay nauunahan pa ng mga pribadong organisasyon. Pinasiguro niya na hindi titigil ang organisasyon sa pagtulong sa panahon ng emerhensiya at paglalaan ng tulong-kabuhayan sa mga mamamayan.
No comments:
Post a Comment