Isang hacking incident o kaso ng pananaga naman ang nangyari sa bayan ng Ibajay, sa mismong araw pa rin ng Pasko.
Kinilala ang biktimang si Niel Valentin y Dela Cruz, 45-anyos, samantalang ang suspek ay kinilalang si Janery Valentin y Tañonan, nasa legal na edad, pawang mga residente ng Regador, Ibajay.
Bandang alas-7:00 ng umaga ng Disyembre 25 bandang ay nakatanggap ng tawag ang Ibajay Police galing sa Ibajay District Hospital na may dinala umanong biktima ng pananaga na dinala sa kanila na idineklarang dead on arrival.
Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng mga rumespondeng kapulisan, ayon na din sa salaysay ng kapatid ng biktima, nag-iinuman umano ang suspek at biktima at maya-maya ay narinig nilang may sumigaw ng mga katagang "Tan-awa ninyo inyong igkampod nga ra! Kung maisug kamo, paeapit kamo kakon!".
Doon na nila umano nakita ang suspek na may hawak na bolo at ang biktimang si Niel na nakahandusay at naliligo sa kanyang sariling dugo matapos na makakuha ng sugat sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo at kanang bahagi ng kanyang katawan.
Matapos magbigay ng salaysay ang kapatid ng biktima ay agad silang tumungo sa crime scene kasama ang mga kapulisan at doon ay positibong itinuro ng witness ang suspek na si Janery.
Agad namang dinala ang suspek sa Ibajay Police Station, samantalang ang bolo na ginamit umano sa pananaga ay itinurn-over ng ina ng suspek sa mga rumespondeng kapulisan.
Samantala, kahapon ay sinampahan ng kasong homicide ang suspek at kasalukuyang naghihintay ng commitment order upang madala ito sa Bureau of Jail Management and Penology sa Brgy. Nalook, Kalibo.
No comments:
Post a Comment