Tatlong araw na lamang ay magtatapos na ang Asia-Pacific Economic Cooperation meeting o APEC Second Senior Officials’ and Related Meeting at Ministers’ Trade Meeting na nagsimula noong Mayo 10 dito sa Isla ng Boracay.
Ngayon palamang ay matagumpay na ito! Ito ay dahil sa kapansin-pansin na disiplina sa bawat isa. Kapansin-pansin na dahil sa APEC ay bumaba ang kriminalidad sa isla, naging maayos ang daloy ng sasakyan at naging malinis ang beach front mula sa mga mapang-isturbong komisyoner, at mga naglalako.
Bagaman marami ang nahigpitan sa pamamalakad at seguridad sa Isla kaugnay ng isinasagawang pagpupulong, marami ang nagtiyaga at nakiisa.
Ayon sa ulat, tumaas pa ang bilang ng mga bisita dahil sa ginagawang APEC meeting, taliwas naman sa nagsasabing ito ay bumaba dahil sa kahigpitan sa Isla ng Boracay.
Hindi biro ang mga hirap at pagod na ginagawa ng iba-ibang grupo kapwa pribado at pampamahalaan para lamang sa kaayusan at katahimikan sa lugar na pinagdarausan ng pagpupulong para sa kapakanan ng mga bisita mula sa 21 bansa na kalahok sa APEC.
Halos ilang buwan bago ang gawaing ito rito, ay puspusan na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Malay lalu na ang binuong APEC Task Force sa pangunguna ni SB Rowen Aguire at sa pakikipagtulungan na rin ng lahat ng mga opisyal sa bayan ng Malay.
At bagaman, hirap sa billeting at pagkain, hindi nadaig ang mga kapulisan sa serbisyo. Ang mga kapulisan ang pinakamalaking bilang ng security forces dito sa isla na umaabot ng mahigit 3, 000. Sa inyo mga sir at ma’am pulis saludo kami sa inyo!
Sa lahat ng mga boluntaryong grupo, maraming salamat sa inyo!
At siyempre sa lahat ng taumbayan, maraming salamat sa inyong katiyagaan at kooperasyon.
No comments:
Post a Comment