Kasabay ng ika-17 buwan nang nanalasa ang bagyong Yolanda, at bisperas ng kasirinlan ng bansa, mapupuno na naman ang Pastrana Park sa Kalibo, Aklan, ng mga aktibistang grupo at mga taumbayan na hindi sang-ayon sa DSWD MC24.
photo courtesy of Rise Up Aklan |
Mangyayari ang nasabing rally sa Abril 8, 2015.
Ang alyansang ito ay nabuo noong Marso 19 at patuloy na nilalahukan ng mga Local Goverment Executives, Kalibo Diocesan Action Center, Federation of Kalibo Tricycle Operators and Drivers Association (FOKTODA), Progressive Organization na pinapangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BYAN-AKLAN) at ang organisasyon ng Yolanda survivor ang RISE UP AKLAN.
Sa panayam ng Radyo Birada! Boracay, ipinaabot ni Mr. Kim-Sin F. Tugna, Provincial Coordinator ng RISE UP AKLAN, na nakatakdang magpulong ang lahat ng mga rehiyong naapektuhan ng Yolanda kaugnay ng pagpasa ng petisyong buwagin o alisin ang Memorandum Circular 24 ng DSWD.
Ayon pa sa kanya, ito ay hindi umano makatarungan at makatao.
Ang MC24 ay atas na ipinasa ni Sec. Dinky Soliman ng DSWD na nilagdaan ng Pangulong Aquino na nag-aalis sa lahat ng mga biktima ng bagyong Yolanda na sumasahod ng 15, 000 pesos bawat buwan at lahat ng mga biktima na kabilang sa tinatawag nilang danger zone at lahat ng mga apektado na tumanggap na ng tulong mula sa mga non goverment organization.
Paliwanag pa nito na lahat ng tao ay nasailalim ng obligadong pagbabayad ng buwis kaya naman dapat umano lahat ay makatanggap ng tulong na ito dahil lahat naman ay nasalanta o dinaanan ng bagyong ito.
Umaasa parin ito na makakalap ng marami pang petisiyon mula sa mga munisipyo sa Aklan sa pakikiisa sa panawagan at kilusang ito.