ISLA NG BORACAY--Mariing pinabulaan ngayon ni Mayor Quezon Labindao ng Buruanga, Aklan na hindi ang pagpasok ng panibagong imbestor kalapit lang sa sapilitan nitong pinasarang resort ang dahilan kung bakit niya ito ipinasara.
Sa naging pahayag nito sa Radio Birada! aminado itong nagdala ng malaking tulong sa bayang nasasakupan nito ang Ariel's Point resort dahil sa pagiging sikat nito sa matarik na diving cliff at magandang lugar.
Gayunpaman, nilinaw nito na napilitan itong ipasara dahil sa umano'y mga paglabag nito sa pagpapanatiling maayos at malinis na kapaligiran.
Nagsimula umano ang isyu ng isa sa hindi na niya pinangalanang mamamayan ang nagpakita ng mga larawan na nasisira ang mga korales, mga natagpuang basura sa dagat, at hindi nakatakip na puso-negro na kasama sa sulat na nakarating sa kanyang tanggapan.
Dito na umano nabahala ang lokal na pamahalaan. Agad umanong bumuo ng komite ang mayor upang mag-imbestiga rito at doon napatunayan ang mga paglabag ng nasabing resort.
Kahit pa may mga notice of permanent closure na ang resort ang nag-ooperate parin ito.
Kaya napilitan ang lokal na pamahalaan na lagyan ng balsa ang diving area upang matigil na ang kanilang operasyon dito.
Bagaman naghain ng TRO ang may-ari ng resort na si Ariel Abriam, ay tinanggihan ito ng korte sa Kalibo.
No comments:
Post a Comment