ISLA NG BORACAY--Talamak pa rin ang insidenteng may kinalaman sa nakawan sa islang ito. Kahapon lamang ay dalawang magkahiwalay na nakawan ang naitala sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) PNP station.
Ang unang nakawan ay nangyari ng madaling araw kung saan isang security guard ang ninakawan ng kanyang service firearm.
Salaysay ng biktimang si Roy Quirino y Dominguez, 32 anyos, tubong Balete, Aklan, natulugan umano siya sa duyan banda 3:30 ng umaga at pagkagising niya ng 4:30 ay nawawala na ang kanyang bag sa kanyang tabi.
6:00 na ng umaga nang makita nito ang kanyang bag sa tabing lote, 30 metro ang layo sa pinagtratrabahuhan niyang establisyemento sa So. Bolabog, Brgy. Balabag.
Sabug-sabog na ang mga dokumentong nasa loob ng kanyang bag at wala na ang kanyang baril na caliber .38 at may 11 rounds ammo. Kasama rin sa natangay ng magnanakaw ang kanyang cellphone at pera.
SAMANTALA, banda 9:00 naman ng umaga, isang kaso rin ng pagnanakaw ang naganap beach front ng Station 3.
Ayon sa biktimang si Angelic Moises, 25 anyos at tubong Nabas, Aklan, iniwan umano nito ang kanyang pouch sa buhanginan saka ito naligo.
Pagbalik nito, napag-alaman niyang nawawala na ang kanyang dalawang cellphone at 5, 000 pesos na halaga ng pera.
Sa follow-up imbestigasyon ng BTAC nakita sa CCTV footage na kuha ng kalapit na resort na isang babae ang tumangay ng kanyang pouch. Hirap naman ang mga kapulisan sa pagtukoy ng suspek dahil sa malabo ang kuha at malayo ang CCTV sa pinangyarihan ng insidente.
Ang mga kasong ito ng pagnanakaw ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan.
No comments:
Post a Comment