Tila mainit sa ngayon ang isyu sa mga inaasala ng kapulisan na nagpapakita ng kawalang-galang sa posisyong nai-atang sa kanila.
Matatandaan na kamakailan lang, Mayo 23 ng madaling araw, isang pulis ng Boracay Tourist Assistance Center o BTAC ang nagpakita ng kawalang-asal sa kanyang pananalita taliwas sa propesyong kinalalagyan nito.
Sinabi umano ng nasabing pulis, ayon sa nakasaksing security guard, matapos na hindi makita ng suspek sa panggugulo sa bar na hayaan na lamang kung hindi makita at kung bumalik sa lugar at sinabi nito na hagisan na lamang ng garanada upang mataranta.
Nagdala ito ng pagkabahala at takot sa mga naroroon.
At ito lang ring nakaraang Lingo ay isa ring pulis ang nagpakita ng parehong paggawi. Ang naturang pulis ay PO1 ng Malay PNP.
Rumisponde ito sa nagkakainitang at nagtatalong doktor at habal-habal driver.
Sinuntok kasi ng doktor ang naturang driver matapos makipagkarera sa kanya sakay sa kanyang kotse. Bigla itong huminto at sinuntok ang driver ng motorsiklo.
Sa situwasyong ito ay hindi rin maganda ang inasala ng doktor at imbes na umawat, sinabi nito na buti suntok lang ang inabot mo hindi baril.
Dagdag pa niya sa harap ng mga nakikiusyuso na kung siya ang sakay sa kotse ay talagang babarilin niya ang mga ito.
Hmmmmm. Lumalabas yata na magkakampi sila ng doktor ah?! Arogante pa si Mamang Pulis sa kanyang posisyon ah.
Nagdala ito ng takot sa biktima ng panununtok dahilan upang huwag na itong magpablotter.
Nadismaya sa inasal ng pulis na ito ang mga naroroon sa nangyaring ito sa Caticlan, Malay, Aklan.
Kung ganito lang naman ang inaasal ng pulis, na tila asal kanto. Tila nakawawalang-tiwala sa taumbayan ang asal na ito ng tinuturing na lingkod bayan.
Huwag naman sanang magpatuloy ang ganitong pag-uugali ng mga lingkod-bayan at tagapagtaguyod ng kapayapaan at kaayusan.
Ang sa amin lang naman sa mga opisyal ng kapulisan, naway mabigyan ng leksiyon ang mga pulis na ito.
Sa mga kapulisan naman, ang amin lang naman kami po ay malaki ang tiwala sa inyo, nawa'y ingatan niyo naman ito at itaas pa nga ang moral ng mga kapulisan.
No comments:
Post a Comment