Tuesday, September 23, 2014

Lalake Nakapulot ng 3 Pasaporte: Humingi ng P10, 000 Pabuya sa mga May-ari

Kulungan ang bagsak ng suspek na kinilala kay Rafeal Iya, 40 taon-gulang, tubong Malay, Aklan, matapos nakawin ang napulot na tatlong pasaporte ng mga Chinese National at nagpumilit na bayaran ng mga may-ari ang nakuhang mga pasaporte.

Ang mga biktima ay kinilala kina Zhiqiang Wu, babae, 38; Hailing Sun, babae, 33, at anak nitong lalake na si Wu lin, 3 taon-gulang.

Ayon sa imbestigasyon ng Boracay Tourist Assitance Center (BTAC), napulot ng suspek ang tatlong pasaporte sa So. Tambisaan, Brgy. Manocmanoc, Malay, Aklan. Hindi kaagad ibinalik ng suspek ang mga nasabing pasaporte sa halip itinago ito ng dalawang araw. Ngunit nitong Setyembre 21, 2014 tumawag ang suspek sa  hotel na tinutuluyan ng mga Chinese national na nagsabing nasa kanya ang mga nawawalang pasaporte nila. Hindi ito nagpakilala at nag-iwan na lamang ng kanyang contact number.

Agad namang tumawag ang isa sa mga biktima sa suspek at nag-alok na bigyan ito ng P2, 000 pabuya bilang kapalit. Gayunpaman, hindi nakunteto ang suspek at humingi hanggang P10, 000 bilang kapalit. Sa pagdududa ng biktima, agad itong humingi ng tulong sa tauhan ng resort para sa tulong-pulisya.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan sa ikadarakip ng suspek na ikinahuli nito matapos matanggap ang P10, 000.

Nakuha sa suspek ang tatlong pasaporte, tatlong visit visa documents, hotel and booking transport. Samantala, wala na ang P3, 000 na kasama sa mga dukomentong nakalagay sa bag na napulot nito.


No comments:

Post a Comment